Lechon, mabenta pa rin kahit tumaas ang presyo

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2017 07:00 PM | Updated as of Dec 24 2017 08:51 PM

George Calvelo, ABS CBN News

Tumaas ang presyo ng lechon pero dagsa pa rin ang mga tao sa La Loma sa Quezon City para bumili nito upang ihain sa kani-kanilang Noche Buena.

Mabibili na ngayon sa halagang P5,600 ang kada walong kilo ng lechon mula sa dating P5,000 na pinakamababang presyo ng isang buong lechon.

Watch more in iWant or iWantTFC

Halagang P800 kada kilo naman ang laman ng lechon habang P400 per kilo ang pata at ulo nito. 

Ayon sa mga may-ari ng litsunan, galing sa probinsya ang mga baboy nila at apektado ang suplay nito dahil sa bagyong ‘Vinta’ kaya nagkaroon ng taas-presyo.

Sa kabila naman ng taas-presyo, masigla pa rin anila ang bentahan ng lechon at katunayan ay nagkaroon ng pagsikip sa daloy ng trapiko sa La Loma ngayong Linggo dahil sa mga humahabol sa pamimili. 

Ayon sa ilang mamimili, tanggap nila ang taas-presyo dahil minsan lang naman sa isang taon mangyari ang salu-salo ng buong pamilya sa Noche Buena.

Babala ng mga may-ari ng litsunan, maaaring tumaas pa ang presyo nito sa bisperas ng Bagong Taon dahil inaasahang dadami pa ang mga bibili.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.