Ilang stranded na pasahero, sasalubungin ang Pasko sa pantalan

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2017 07:41 PM

Bumaba man ang bilang ng stranded na pasahero sa iba't ibang pantalan, marami pa rin ang naiwang biyaherong sasalubungin ang Pasko sa pantalan.

Sa pinakahuling abiso ng Philippine Coast Guard, mula sa 1,668 na stranded na pasahero nitong Sabado, Disyembre 23, bumaba na sa 556 ang bilang ng natitirang biyahero sa iba't ibang pantalan bunsod ng bagyong Vinta at amihan.

Nasa 370 pasahero ang kasalukuyang nasa pantalan ng Dapitan sa Mindanao; 99 pasahero naman ang stranded sa pantalan sa El Nido; at 87 sa Plaridel Port sa Ozamiz.

Hindi pa kasama sa bilang ang mga stranded sa Manila North Port Terminal dahil kanselado ang ilang biyahe papuntang Cebu, Cagayan De Oro, Iloilo, Bacolod, Dipolog, Dumaguete, at Zamboanga

Bukas, araw ng Pasko, na-reschedule ang ilang biyahe.

NAG-AMOK SA BUS PORT

Bumaba na rin ang bilang ng mga biyahero sa Araneta Center Bus Port ngayong bisperas ng Pasko.

Ayon sa manager ng bus port, halos 2,000 na lang ang pasahero ngayong araw kumpara sa halos 5,000 pasahero nitong Sabado, Disyembre 23

Nakabiyahe na ang karamihan sa mga pasaherong stranded kahapon dahil sa bagyong "Vinta."

Pero maaaring magkaroon pa rin ng delay ngayong araw sa mga biyaheng papuntang Mindoro at Iloilo.

Kahapon, pinosasan ng pulis na nakatalaga sa bus terminal ang isang pasaherong biglang nag-amok dahil hindi umano siya makasakay sa biyahe pauwing probinsiya.

Tinukoy ang lalaking nag-amok na si Romnick Fernandez na umaming nakainom din.

Ayon sa pulis, inihahanda pa ang reklamong isasampa laban kay Fernandez.

Nagpaalala rin sila sa mga pasahero na pairalin ang pasensiya lalo pa't kasagsagan talaga ng uwian ngayon kaya't maraming nagiging "chance passenger" na lang sa mga biyahe.

Reklamo naman ng ilang chance passenger, lalo silang hindi nakakakuha ng ticket pauwi sa kani-kanilang lalawigan dahil inuunahan sila sa tickets ng mga umano'y "fixer"

Kaninang madaling araw, naantala ang ilang biyahe ng bus lines sa EDSA dahil sa mabigat na trapiko sa Metro Manila.

Bandang alas-4:30 ng madaling araw, tumukod din ang trapiko sa EDSA-Cubao southbound, sa bahagi ng bus stations doon.

Dagsa rin ang mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong bisperas ng Pasko.

[PLEASE EMBED: ]

Ayon sa Facebook post ng NAIA, kanselado ngayong araw ang Cebu Pacific flight 5J 321/322 na biyaheng Legazpi mula Maynila, at ang pabalik nitong biyahe.

Bunsod pa rin ito ng masamang panahon.

 

Samantala, aabot sa 300 overseas Filipino workers na may iba't ibang suliranin ang magpa-Pasko ngayong taon sa shelter ng gobyerno ng Pilipinas sa Kuwait. 

-- May ulat nina Lyza Aquino, Arra Perez, at April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.