Bong Revilla makakasama ang pamilya sa bisperas ng Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2017 12:50 PM

MANILA - Nakaalis na sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame si dating senador Ramon "Bong" Revilla Jr. matapos payagan ng Sandiganbayan na makasama ang kaniyang pamilya ngayong bisperas ng Pasko.

Sakay ng isang puting coaster si Revilla nang umalis sa kampo alas-10 ng umaga.

Maaaring makasama nina Revilla at dating staff na si Richard Cambe ang kani-kanilang pamilya mula alas-11 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi ngayong Disyembre 24, batay sa desisyon ng anti-graft court.

Makakasama ni Revilla ang kaniyang pamilya sa Bacoor, Cavite habang tutulak naman pa-Imus, Cavite si Cambe papunta sa bahay ng kaniyang kapatid.

Nakakulong ang dalawa habang hinaharap ang paglilitis kaugnay ng kanilang kinalaman umano sa maanomalyang paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF). -- Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.