'Best Christmas gift': Nawawalang dalagita, natagpuan sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2017 05:23 PM | Updated as of Dec 24 2017 09:20 PM

Natagpuan ngayong bisperas ng Pasko ang 17 anyos na dalagitang naiulat na nawala noong Huwebes, Disyembre 21 sa Muntinlupa City.

Itinuturing na pinakamagandang Pamasko ng pamilya Policarpio na matagpuan ang kanilang anak na si Ica Policarpio, na naging laman ng social media matapos manawagan ng tulong ang kaniyang mga kaanak para mahanap siya.

Nakita ang Grade 12 na estudyante na umiiyak sa isang karinderya sa San Pablo City, Laguna.

 

Ayon sa ama ng dalagitang si Rufino Policarpio, kinalinga muna si Ica ng isang barangay kagawad na nakipag-ugnayan sa pamilya nitong Linggo.

Wala namang nakikitang senyales na kidnapping o pagdukot ang nasa likod ng biglaang pagkawala ng dalagita, ayon kay Metro Manila Police Chief Oscar Albayalde sa isang press conference.

"As of now, wala talagang signs of kidnapping, based on our investigation doon sa mga pangyayari," ani Albayalde. "Ang tinitingnan lang natin dito kung may nag-udyok sa bata na maglayas or pumunta dito, pumunta doon.

Sa ngayon, hindi pa nagkukuwento ang dalagita sa nangyari at kung ano'ng nag-udyok ng kaniyang biglang pagkawala.

"Hindi po namin siya talaga kinakausap at pinapakuwento dahil we respect her privacy, we respect her state, kaniyang psychological condition," ani ama ng dalagita.

"Masaya na ho kami na kasama namin siya pero ang totoo, since 2 hours ago, hindi ko pa siya talaga nakausap ng masinsinan. At sa bagay na ito, hinihiling lang namin ang kaunting pang-unawa, pasensiya ng madla."

Sa isang Facebook post naman, ipinarating ng kapatid ni Ica nas si Bea ang tuwa ng kanilang pamilya ngayong makakasama nila sa Pasko ang dalagita.

 

"We found Ica. Words cannot express our joy in this moment. Our family can never thank you enough, each and every one of you, for storming the heavens so we could be given a second chance to be complete," saad ng post ni Bea Policarpio.

"Investigation is still ongoing, but be assured we will be verifying relevant facts via official media sites. Kindly wait for that and respect our family's privacy at this time. In [the] meantime we just wanted to ease everyone's worry and let you all know that she is okay, she is unharmed, and she is with us. Thank you Lord. Thank you everyone for helping us #FindIca."

Watch more in iWantv or TFC.tv

-- May ulat nina Noel Alamar at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.