Mahigit 2,000 pasahero stranded sa Matnog port

Thea Omelan, ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2016 04:42 PM

Problemado ang mga istranded na pasahero sa Matnog port dahil sa bagyong 'Nina.' Photo courtesy of Bicol Coastguard

Umabot na sa 2,549 na pasahero ang istranded sa Matnog port sa Bicol dahil sa sama ng panahon dala ng bagyong ‘Nina.’

Simula kahapon ng hapon, hindi na pinayagan ng Coast Guard na makapaglayag ang mga barko dahil nagtaas na ang PAGASA ng public storm warning signal sa Samar at Bicol region.

Problemado at malungkot ang mga istranded na pasahero dahil malaki ang posibilidad na sa pier na sila magpapasko.

Ang ilan sa mga pasahero ay pinili na lamang ipadala sa money transfer service ang perang para sana sa noche buena ng kanilang pamilya.

Namigay naman ng pagkain ang lokal na pamahalaan ng Matnog sa mga istranded.

Inaasahan na ilang araw pang tengga sa pier ang mga pasahero at plano rin silang ilikas sa mga evacuation center kung magiging malakas ang epekto ng bagyo sa lugar.

Samantala, halos limang kilometro na rin ang haba ng pila ng mga cargo trucks at ang ilang passenger buses naman ay pinatigil na sa mga bayan ng Irosin at Juban para hindi na makadagdag pa sa pila ng mga sasakyan sa Matnog.

Kasalukuyang nakataas pa rin ang Typhoon Cyclone Warning Signal #1 sa Sorsogon, Southern Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, at Masbate kabilang na ang Ticao, Burias Island, Northern Samar, Samar, and Eastern Samar.