PatrolPH

Mga nasalanta ng Bagyong Odette sa Surigao del Norte, namamalimos na

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2021 08:45 PM

limos ABS-CBN News
Namamalimos ang ilang biktima ng Bagyong Odette sa Surigao del Norte, Disyembre 23, 2021. ABS-CBN News

Namamalimos na sa mga dumaraang sasakyan ang ilang nasalanta ng Bagyong Odette sa mga kalsada sa Surigao del Norte dahil sa anila'y mabagal na pagdating ng tulong.

Mula sa bayan ng Sison patungong Surigao City, makikita sa gilid ng highway ang mga karatula ng mga biktima ng bagyo na humihingi ng tulong.

"Bahay ko nasira na tapos ako lang mag-isa. Wala na ako asawa," sabi ni Berlita Baginaon, isa sa mga namamalimos.

Masuwerteng nakaligtas si Baginaon matapos mabagsakan ng puno ng niyog ang banyo ng kanilang bahay kung saan sila nagtago ng kaniyang anak at apo noong kasagsagan ng bagyo.

Hindi naman itinanggi ng mga namamalimos na may natanggap na silang ayuda mula sa goyberno pero hindi raw ito sapat dahil pang-2 araw lang ang itinagal.

Watch more News on iWantTFC

Pero hindi lang pagkain ang kailangan ng mga biktima kundi pati pambili ng yero at kahoy para muli nilang maitayo ang kanilang mga bahay.

"Hirap na kami ngayon. Ang tulugan namin tumutulo ang bahay namin, wala kami pera makabili ng yero. Maawa naman kayo sa amin," sabi ni Diding Callano.

Binalot naman ng plastic ng residenteng si Mary Ann Capua ang kaniyang paa na puro alipunga.

Sa kabila ng kondisyon, nasa lansangan pa rin siya at nagtitiyagang mamalimos kahit barya para may pambili ng pampaayos ng bahay.

Para sa mga biktima ng bagyo, ngayong walang-wala sila, hindi nila alam kung paano ipagdiriwang ang Pasko.

"Malungkot kasi ang Pasko namin ngayon, kaya kami andito, para makabili kahit pangkain lang namin," sabi ni Manilyn Resare.

Dahil marami rin ang mga bata na humaharang sa daan para mamalimos, nababahala ang Surigao del Norte Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na baka maaksidente sila.

Ayon kay Fe Saumat, head ng PSWDO, nakapamigay na sila ng tulong at idinederetso sa mga local government unit ang relief goods mula sa mga donor.

Pinapatigil na ng PSWDO ang pamamalimos sa daan. Pinapaaksyunan na nila ito sa mga pulis at barangay official dahil anila'y delikado sa lansangan.

Sa tala ng provincial disaster office, 21,148 bahay ang wasak na wasak at hindi na mapapakinabangan pa dahil sa bagyo.

May 56,856 bahay namang bahagya lang ang tinamong pinsala.

Umabot na rin sa 25 ang bilang ng mga nasawi sa buong probinsiya habang 25 pa ang nawawala sa Del Carmen, Siargao Island.

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.