Nabaril na alkalde ng Misamis Occidental, sumailalim na sa operasyon

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2021 11:57 AM | Updated as of Dec 23 2021 02:32 PM

Sumailalim sa operasyon si Lopez Jaena Mayor Michael Gutierez matapos mabaril sa isang Christmas party sa Tangub City. Larawan mula kay Andrea Gutierrez
Sumailalim sa operasyon si Lopez Jaena Mayor Michael Gutierez matapos mabaril sa isang Christmas party sa Tangub City. Larawan mula kay Andrea Gutierrez

Kasalukuyang hinihintay pang magkamalay si Mayor Michael Gutierrez ng bayan ng Lopez Jaena matapos sumailalim sa isang operasyon Huwebes ng madaling araw sa Ozamiz City.

Nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang bahagi ng ulo si Gutierrez sa nangyaring pamamaril sa Barangay 7, Tangub City, Myerkules ng gabi.

Tinamaan din ng splinter sa batok ang dating alkalde ng Oroquieta City na si Mayor Jason Almonte.

Sa imbestigasyon ng Tangub City Police, nagtipon-tipon para sa isang Christmas party ang grupo ng mga politiko ng Misamis Occidental na kaalyado ni 2nd District Representative Congressman Henry Oaminal na Team Asenso ng PDP Laban.

Nagkakasiyahan sa pagbibigay ng kani-kanilang mensahe ang mga politiko nang bigla silang mabulabog nang umalingawngaw ang putok ng baril. Unang tumama ang bala sa metal frame ng pinto bago tamaan ang dalawang biktima.

Sa Facebook post ni Ozamiz City Mayor Sancho Fernando Oaminal, sinabi nito na ligtas silang nakauwi ng kaniyang ama na Si Congressman Henry Oaminal Sr. at kapatid na si Atty. Henry Jr. na tumatakbong mayor ng Ozamiz City.

Tumatakbong vice governor ng probinsiya si Mayor Gutierrez, running-mate ni Congressman Oaminal, habang congressman ng first district naman ang tinatakbuhan ni Almonte.

Sa Facebook post ni Governor Philip Tan, kinondena nito ang nangyaring pamamaril at nanawagan sa awtoridad ng agarang paglutas ng kaso.

Panalangin din niya ang mabilis na paggaling ni Gutierrez at kaligtasan ng bawat isa.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Tangub City Police para sa agarang pagkakahuli sa gunman.

Matatandaan na kabilang si Gutierrez at Almonte sa listahan ng mga narco-politicians ni Pangulong Duterte.

- Ulat ni Dynah Diestro