Police chief ng Dolores, Quezon sinibak dahil sa umano'y social gathering

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2020 01:09 PM | Updated as of Dec 23 2020 03:53 PM

(UPDATE) Sinibak sa puwesto ang hepe ng Dolores Municipal Police Station sa Quezon province dahil sa umano'y paglabag nito sa direktiba ng Philippine National Police (PNP) ukol sa mga social gathering.

Ayon kay Police Brig. Gen. Felipe Natividad, direktor ng Calabarzon police, pansamantala munang inalis sa kaniyang posisyon si Police Capt. Joseph Ian Java habang iniimbestigahan ang ulat na sangkot ang hepe sa isang "social gathering."

Sa panayam naman sa Teleradyo, ikinuwento ni Dolores Mayor Orlan Calayag na sumugod umano si Java sa fellowship ng mga pulis at staff ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).

Ayon kay Calayag, base sa natanggap niyang report, nangyari ang fellowship noong Disyembre 19.

Sumugod umano ang hepe, na noo'y lasing, dahil hinahanap niya ang taong nag-post sa social media na sinasabing kapag pulis ay puwedeng mag-party.

Nanira pa umano ng mga gamit ang hepe at may mga nabasag ding gamit na pag-aari ng local government unit.

Pinagpaliwanag naman ng alkalde ang hepe, at umaming nakainom ito at sumugod sa MSWDO.

Ayon kay Calayag, wala pang isinumiteng report tungkol sa party ng mga pulis, na labag din sa health protocols. Wala rin aniyang ipinakitang larawan o ebidensiya sa sinasabing party.

Itinalaga naman bilang officer-in-charge ng Dolores MPS si Police Lt. Almario dela Rosa.

Naglabas kamakailan ang PNP ng direktiba na nagbabawal ng mga "social gatherings, parties and other similar activities," lalo umano ngayong panahon ng Pasko.

Ipinagbabawal ang mga pagtitipon ng mga tao bilang hakbang laban sa COVID-19, na nakapanghawa na sa 462,815 sa Pilipinas.

Nitong buwan lang din, pinaalalahanan ni PNP chief Gen. Debold Sinas ang mga pulis na mahigpit na sumunod sa COVID-19 protocols.

Dating nasangkot sa kontrobersiya si Sinas matapos magdaos ng isang mañanita para sa kaniyang kaarawan noong Mayo, sa kasagsagan ng mahigpit na quarantine.

— May ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.