Mga kotse, tricycle nabagsakan ng poste sa Las Piñas

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2020 04:07 AM | Updated as of Dec 23 2020 07:07 AM

MAYNILA - Nadaganan ang isang kotse at nadamay ang 5 pang sasakyan nang bumagsak ang 3 poste sa J. Aguilar Avenue o mas kilala bilang CAA Road sa Las Piñas City Martes ng gabi.

Pumutok ang kuryente kasunod ng pagbagsak ng mga poste bandang alas-8:20 ng gabi.

Ayon sa nakakita at kumuha ng video na si Vonn Obo, nahagip ng bumibiyaheng cement mixer truck ang nakasabit na mga kable ng kuryente kaya nahila ang tatlong magkakahiwalay na poste.

Walang nasugatan sa insidente, pero napuruhan ng dalawang poste ang bubong ng isang dumadaan na kotse.

Ayon sa Bgy. CAA, na-trap naman sa mga bumagsak na kable ang tatlong tricycle, isa pang kotse at isang motorsiklo.

Dahil sa pangyayari, nawalan ng kuryente nang mahigit 3 oras ang 9 na barangay sa Las Piñas kabilang ang pinangyarihan na Bgy. CAA/BF International.

As of 4 a.m., patuloy pa ring inaalis ng mga tauhan ng Meralco ang mga bumagsak na kable at poste.

Isinara rin sa trapiko ang daanan kaya napilitang maghanap ng ibang ruta ang mga gumagamit ng CAA Road pa-Parañaque at Las Piñas.

Ayon sa traffic investigation unit ng Las Piñas police, nagkaroon ng temporary settlement sa pagitan ng truck driver at mga ibang sasakyan.

RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.