PatrolPH

Killer cop Nuezca may hirit sa pulisya: 'Tulungan nyo po ang pamilya ko'

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2020 08:09 PM | Updated as of Dec 23 2020 09:55 PM

Watch more on iWantTFC


MAYNILA – Nagmamakaawa ng tulong para sa kanyang pamilya si Police Staff Sgt. Jonel Nuezca matapos niyang sabihing nagsisisi siya sa brutal na pagpatay sa mag-inang nakaalitan niya sa Paniqui, Tarlac noong Linggo. 

Nahaharap sa kasong 2 counts of murder si Nuezca, 46, matapos ang malapitan niyang pagbaril sa ulo ng kapitbahay na sina Sonia Gregorio at anak nitong si Frank, na nakuhanan pa ng video.

Nakapiit ang tinaguriang "killer cop" sa Tarlac. Si Nuezca ay naka-assign sa Paranaque City police crime laboratory, pero sa Paniqui ang residence nito at ng kaniyang pamilya.

Sa video na nakuha ng ABS-CBN News, kita ang pagkausap ni Police Regional Office 3 chief Brig. Gen. Val de Leon kay Nuezca. Dito, sinabi ni Nuezca na sising-sisi siya sa ginawang pagpaslang. 

"Sir, inaamin ko po yung pagkakamali ko. Sobrang emosyon. Nagsisisi po ako sa ginawa ko. Laking pagsisisi, Sir, unang una para sa pamilya ko, Sir," sabi ng suspek.

Hiling niya, tulungan ang kanyang pamilya. 

"Sir, sana matulungan niyo po ako... Sir para sa pamilya ko nalang po," ani Nuezca. 

Nauna nang sinabi ng pamilya Gregorio na hindi nila mapapatawad si Nuezca sa ginawang pagpatay.

Bago ang huling insidente, naharap na si Nuezca noong 2019 sa 2 kaso ng grave misconduct dahil sa homicide, pero na-dismiss dahil sa "lack of substantial evidence."

Inakusahan din siya noong 2016 ng kapabayaan sa tungkulin dahil sa 'di pagsipot bilang witness sa isang drug case. 

Noong 2014, nasuspinde siya nang 1 buwan matapos tumangging magpa-drug test. Nasangkot rin daw ito sa extortion case.

– Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.