PatrolPH

5 bayan sa Catanduanes tinamaan ng African swine fever

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2020 06:14 PM

MAYNILA – Matapos mapuruhan ng sunod-sunod na bagyo nitong taon, tinamaan naman ng African swine fever (ASF) ang ilang bayan sa lalawigan ng Catanduanes. 

Sa panayam ng TeleRadyo ngayong Miyerkoles, sinabi ni Catanduanes Governor Joseph Cua na limang bayan sa kanila ang nakapagtala ng kaso ng ASF sa mga baboy.
 
Mga bayan na may ASF:

  • Bato
  • San Andres
  • San Miguel
  • Viga
  • Virac

Ani Cua, Disyembre 7 nang unang maiulat ang pagkamatay ng ilang baboy sa lalawigan.

Dahil dito, nagpatupad na ang Catanduanes ng border control at inspeksyon para sa mga papasok na karneng baboy.

Hinala ni Cua, posibleng galing sa "back door" o ipinuslit lang ang infected na baboy kaya nahawahan ang mga alaga sa Catanduanes. 

Sinabi naman ni Bato Mayor Juan Rodulfo na nagpatawag na siya ng pulong sa mga kapitan ng barangay para makontrol ang pagkalat ng ASF.

Noong Nobyembre, isa ang Catanduanes sa mga labis na hinagupit ng bagyong Rolly, na sinundan naman ng Ulysses.

FROM THE ARCHIVES:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.