PatrolPH

2 araw bago Pasko: Mga luluwas pa-probinsiya mula Metro Manila matumal

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2020 03:24 PM | Updated as of Dec 23 2020 07:43 PM

2 araw bago Pasko: Mga luluwas pa-probinsiya mula Metro Manila matumal 1
Kakaunti pa lang ang mga bumibiyaheng provincial bus sa Araneta Center Bus Terminal, Disyembre 23, 2020. ABS-CBN News

(UPDATE) Kumpara noong mga nakaraang taon, mas kakaunti ang mga pumupunta sa mga terminal ng bus at airport para bumiyahe sa kani-kanilang mga probinsiya ngayong Pasko sa gitna ng mga limitasyong dala ng coronavirus disease (COVID-19). 

Watch more on iWantTFC

Sa Araneta Bus Terminal, aabot lang sa 200 hanggang 400 na pasahero ang bumibiyahe kada araw ngayong Kapaskuhan, mas kaunti sa nasa 4,000 hanggang 6,000 araw-araw sa parehong panahon noong mga nakalipas na taon, ayon sa manager na si Ramon Legaspi. 

Paliwanag ni Legaspi, bukod kasi sa pangamba ng mga pasahero sa COVID-19 pandemic, limitado lang din sa ngayon ang pinapayagang biyahe ng mga bus. 

“Because of the pandemic ano, definitely medyo nag-aalinlangan pa yung mga pasahero na umuwi at 'yun din ang karaniwang dahilan," ani Legaspi. 

Sa ngayon, mga bus lang papunta sa San Fernando at Dau sa Pampanga ang pinapayagang bumiyahe sa naturang estasyon. 

Ang iba pang ruta, hindi pa naaaprubahan ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB). 

Malaking dahilan din anila ang hindi pa rin pagbabalik ng biyahe patungong Bicol, Visayas, at Panay. 

Handa naman daw ang bus station na magpatupad ng health protocols gaya ng physical distancing, pero wala talagang sumasakay. 

PITX 

Kung matumal ang pagdating ng mga tao sa Araneta terminals, halos pantay lang din ang bilang ng mga taong gumagamit ng Parañaque Integrated Terminal Exchange ngayong taon at noong 2019. 

Noong nakaraang taon, nasa 80,000 ang bilang ng mga pasaherong gumagamit ng terminal. 

Ngayon, nasa 75,000 na, at inaasahang tataas pa ito. 

Puro mga biyaheng pa-Cavite at Batangas ang mga bus, at inaasahang madaragdagan pa ito kapag nagsimula na ang biyahe patungong Baguio City. 

“We are fearful of the fact that traveling might lead to sudden surge in the COVID-19 positive cases. We are very much concentrated on implementing the minimum health standards,” ani Jason Salvador, head ng PITX Corporate Affairs and Government Relations. 

May mga nag-iikot na “COVID-19 Safety ambassadors” na sinisigurong nakasuot nang tamang face mask at face shield ang mga tao. 

May madalas ding paalala tungkol sa health protocols sa kanilang sound system. 

Watch more on iWantTFC

NAIA 

Kakaunti rin ang mga domestic passenger sa Ninoy Aquino International Airport. 

Sa Terminal 3 departure area, maikli lang ang pila sa mga gate ng mga pasaherong pauwi sa kanilang mga probinsya, batay sa pag-iikot ng ABS-CBN News. 

Sa parehong panahon noong naakaraang taon, inaabot sa labas ng gusali ang mga pasahero. 

Mahaba ang ilang pila sa loob, pero ito ay dahil sa mga distancing protocol na ipinapatupad sa paliparan. 

Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines, malabong umabot ang bilang ng mga pasahero tulad dati. 

“Medyo nadi-disrupt ‘yung commercial operations dahil maraming hinihingi sa mga pasahero ngayon eh na medical test, permit to travel. ‘Yun ang nagiging problema, kaya kaunti lang mga pasahero,” ani CAAP Spokesperson Eric Apolonio. 

-- Ulat nina Raya Capulong at Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.