P1.5-M halaga ng ‘marijuana’ nakumpiska sa Benguet, 3 arestado

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2019 12:34 AM

Aabot sa P1.5 milyong halaga ng hinihinalang marijuana ang nakumpiska sa 3 lalaking sakay ng isang sports utility vehicle (SUV) matapos itong sitahin dahil iligal na nakapark, Sabado ng umaga, sa La Trinidad, Benguet.

Aabot sa 12.5 kilo ng hinihinalang droga ang nakuha ng mga pulis sa nasabing sasakyan sa BATPTC, Diversion Road.

Ayon kay Police Maj. Roldan Cabatan ng La Trinidad Municipal Police Station, nagtaka sila sa laman ng sasakyan. Sinabi pa ng mga nasa sasakyan na repolyo umano nasa kotse ngunit nag-inspeksyon ang mga pulis at nakita ang mga hinihinalang dried marijuana leaves. 

Ayon naman sa driver ng SUV, sila lamang ay binayaran para maideliver ang sako sa hindi niya kakilala. 

"Hindi ko po alam na [droga] yung lama ‘nun. Pinamaneho lang po sa’kin ng tito ko ‘yung sasakyan. ‘yun naman po talaga ang trabaho ko. Driver po," aniya.

Haharap sa kaso ng paglabag Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek.—Ulat ni Micaella Ilao, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.