Mga pamilihan dinumog ng last-minute Christmas shoppers

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2019 08:09 PM | Updated as of Dec 24 2019 09:44 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Humabol sa pamimili ang ilang konsumer ng kanilang ireregalo at ihahanda sa Noche Buena ngayong Disyembre 23 - dalawang araw bago ang Pasko. 

Dinagsa nitong Lunes ang Divisoria sa Maynila, kung saan makikita ang ilang sulit na pangregalo ngayong Pasko. 

Isa sa mga mamimili si Hannah Recepcion, na inagahan ang pagpunta para makaiwas sa pagdumog ng tao. 

"Kasi po pag maaga kaunti pa po ang tao," paliwanag niya. 

Nasa P100 pataas ang presyo ng mga pangregalo tulad ng mga laruan, damit, bag, at sapatos na nasa P100 pataas ang presyo, depende sa klase at laki. 

Dagsa rin ang mga mamimili sa Baclaran, gaya ni Lani Mora. 

Bagama't marami ang mga vendor, maingat sila lalo't may mga clearing operations sa lugar. 

Marami rin ang naghabol sa pamimili online gaya ni Lovegail Malonzo na naghahanda sa mga idedeliver na Christmas tree at decoration sa mga kostumer.

Lumobo rin ang mga mamimili sa mga mall. 

Ayon kay Juvy Bala na mula sa pamunuan ng The SM Store, nasa 30 hanggang 40 porsiyento ang dagdag sa dami ng mga kostumer. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Sangkaterba rin ang humabol sa mga supermarket para mamili ng mga pang-Noche Buena. 

Pero ayon sa DTI, sobra sa suggested retail price sa ilang supermarket ang mga bilihing gaya ng mayonnaise at pasta. Kaya nasisita ang mga pamunuan ng mga pamilihan. 

Lagpas P250 naman kada kilo ang presyo ng baboy, na mas mataas sa P185 kada kilong standard retail price (SRP) na itinalaga ng ahensiya. 

Ayon sa mga namumuno sa mga supermarket, agad nilang susundan ang SRP. -- Ulat nina Alvin Elchico at Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.