Kidnap suspek na ililipat ng kulungan, pinatay ng armadong grupo sa Calamba

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2019 11:09 AM

MANILA — Patay ang isang kidnap-for-ransom suspek na ililipat sana ng kulungan matapos siyang tangayin at barilin ng 5 armadong lalaki sa Calamba, Laguna. 

May kasamang jail guards at nasa sasaskyan ng Bureau of Jail Management and Penology ang suspek na si Joshi Tarun nang harangin sila ng sports utility vehicle ng mga naka-bonnet na lalaki sa Bucal Bypass Road, alas-9 ng umaga, ayon sa pulisya.

Inagaw umano ng grupo ang mga baril ng jail guards na hindi nila sinaktan, saka tinangay ang sasakyan na lulan si Tarun. Pagdating sa Barangay La Mesa, piniringan siya ng mga lalaki, itinali at saka binaril. 

Nahaharap si Tarun sa kasong serious illegal detention at kidnap for ransom, ani Calamba police chief Lt. Col. Gene Licud. 

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.