ALAMIN: Paano ang modus ng pagkuha ng datos ng credit card

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2019 08:52 PM

MAYNILA - Magpa-Pasko na pero problemado si alyas "Sofia" matapos ma-charge ng P300,000 ang kaniyang credit card bill, gayong hindi kaniya ang mga transaksiyon dito. 

Disyembre 17 nang makatanggap si Sofia ng tawag mula sa nagpakilalang taga-bangko, at hinihingi nito ang mga detalye ng mga credit card niya. 

"Kailangan lang daw nila i-activate yung phone ko para ma-receive ko yung promo na 3 months worth of unli call and text," ayon kay Sofia. 

Makalipas ng dalawang oras, nawalan siya ng cellphone signal. Dito na raw niya nalamang may mga transaksiyon sa kaniyang dalawang credit card. 

"Na-sweep po yung credit limit ko. Dun sa isang bank nakuha po nila yung P140,000 multiple transaction 14... The other bank po, tinawagan ko rin po and same din po same transaction po," ani Sofia. 

Agad na nagreklamo si Sofia sa bangko pero hindi na nabalik sa kaniya ang pera. 

"Ang sinasabi lang po nila since nabigay yung card details, 'sa end namin (ng bangko) it’s a valid transaction. All we (bangko) can do is puwede kang mag-file ng investigation,'" ani Sofia. 

Phishing o pagtatawag ng mga nagpapakilalang taga-bangko para manghingi ng bank details para mang-scam ang nangyari kay Sofia, ayon sa Philippine National Police. 

"Mayroong fraudster na tatawag sa 'yo through landline or cellphone at iengganyo ka na mayroong promo na sinalihan ka and eventually hihingin nila ang card details mo and other financial data. Pinag-aralan nila, and magkukunwaring bank representatives," ani Police Lt. Col. Mary Ivy Salazar, hepe ng PNP Cyber Financial Crime Unit. 

Ayon sa Credit Card Association of the Philippines, posibleng binago ng scammer ang mobile number na nakatalaga sa biktima para hindi na niya ito magamit. 

"'Yon, nag-request ng bago, nagpa-upgrade. Kaya yung one-time pin, ipinadala doon sa fraudster na tumawag sa kanya at hindi sa kanya," ani Alex Ilagan, executive director ng grupo. 

Ayon kay Salazar, dapat makipagtulungan ang mga bangko na imbestigahan ang mga nasabing insidente. 

"'Pag nag-report sana ang mga bitkima, automatic sana ay imbestigahan nila and at the same time, kung hindi pa nakuha ang pera, ihold nila for further investigation, at makipagtulungan sa kapulisan para masolusyunan ang ganitong scam," ani Salazar. 

Ang maaari lang kasi aniyang gawin ng bangko ay i-block ang card para hindi na ito magamit. 

Kaya naman, paalala ng mga bangko, huwag magbigay ng credit card at personal na impormasyon sa telepono. 

Kapag kasi nakuha ang credit card number, pangalan, at expiry date at ang CVV o huling 3-digit number sa likod ng card, maaari na itong ipambili online. 

Payo nila, takpan ang CVV para hindi ito masilip ng iba. -- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.