6 patay sa magkakahiwalay na aksidente sa Cagayan Valley

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2019 01:03 AM

Anim ang patay sa magkakahiwalay na aksidente sa Cagayan Valley simula sa nagdaang linggo.

Kabilang rito ang isang batang babae na nabundol ng kotse sa kalsada ng Albano, Linggo ng tanghali, Barangay San Macario sa bayan ng Delfin Albano. 

Sa imbestigasyon, biglang tumawid umano ang biktima kaya nabundol ng kotse.

Naitakbo pa ng driver ang biktima sa ospital ngunit pumanaw din ito habang ginagamot.

Sa lungsod ng Cauayan, sinalpok naman ng pick-up ang motorsiklong minamaneho ng 39-anyos tindero na si Jeffrey Lappay, Sabado ng madaling araw, sa bahagi ng national highway ng Barangay District 2.

Ayon sa pulis, binabaybay ng dalawang sasakyan ang magkabilang linya ng kalsada nang lumiko raw sa kaliwa ang motorsiklo na naging dahilan para mabangga ito ng pick-up.

Nadala pa sa ospital si Lappay, pero idineklarang dead-on-arrival ng attending physician.

Binawian din ng buhay sa ospital si Mely Almazan, Biyernes ng hapon, habang tumatawid sa bahagi ng national highway ng Barangay Rugao na nabundol ng motorsiklong minamaneho ng isang sundalo.

Nagtamo rin ng sugat sa katawan ang sundalo.

Sa bayan ng San Mateo naman, bangkay na nang matagpuan sa sapa ng Barangay Villa Gamiao ang isang lalaki noong Huwebes.
Batay sa paunang imbestigasyon, nahulog sa tulay ang motorsiklo ng biktima noong Martes.

Wala umanong nakakita kaya dalawang araw pa ang nakalipas bago nadiskubre ang bangkay matapos itong lumutang.

Habang sa bayan ng Reina Mercedes, nasawi ang 16 anyos na si John Erol Ramos matapos mabangga ng sports utility vehicle ang minamaneho niyang motorsiklo, Miyerkoles ng gabi, sa national highway ng Barangay Tallungan.

Sa imbestigasyon, umagaw umano ang motorsiklo sa linya ng SUV kaya nangyari ang aksidente.

Biktima naman ng hit and run ang isang lalaki habang tumatawid sa national highway ng Barangay Quezon, Solano, Nueva Vizcaya.

Hindi pa matukoy ang katauhan ng biktima na tanging pagkakilanlan ay hugis luha na tattoo sa kaniyang kaliwang mata. Mayroon din itong tattoo na dahon sa kanang kamay.—Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.