2 patay sa pag-inom ng lambanog sa Quezon

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2019 01:33 PM | Updated as of Dec 23 2019 07:53 PM

Watch more in iWantTFC

Dalawa ang patay at 2 ang kritikal sa magkahiwalay na kaso ng pagkalason sa lambanog sa bayan ng Candelaria, Quezon noong Sabado.

Kinilala ang isa sa mga nasawi na si Ernesto Aguilar, 54, habang ang pangalan ng isa pang biktima ay hindi pa inilalabas ng pulisya. Nakalabas na ng ospital ang 4 na iba pang uminom ng lambanog.

Tukoy na ng pulisya ang isa sa mga tindahan na nabilhan ng alak sa Brgy. Tipas, San Juan, Batangas ngunit bineberipika pa kung parehong tindahan ang nabilhan ng 2 grupo.

Kusa na umanong nagsara nang pansamantala ang tindahan. Tumigil na rin ang bentahan ng lambanog sa bayan ng Candelaria.

Kumuha na ang mga awtoridad ng sample ng ininom na lambanog ng mga biktima at mga itinitindang lambanog para ipasuri sa Food and Drug Administration.

Hinikayat ng awtoridad na iwasan munang uminom ng lambanog ngayong holiday season.

Ito'y matapos mamatay ang nasa 9 na katao at malason ang higit 100 iba pa sa pag-inom din ng lambanog sa Laguna.

--Ulat ni Jonathan Vega Magistrado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.