PatrolPH

P30 milyon pabuya, alok sa makapagtuturo sa pumatay sa kongresista

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2018 07:29 PM | Updated as of Jul 31 2019 05:18 PM

P30 milyon pabuya, alok sa makapagtuturo sa pumatay sa kongresista 1
AKO Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe. Retrato mula sa Facebook page ni Batocabe

Maaaring makatanggap ng P30 milyon pabuya ang sino mang makapagtuturo sa mastermind at gunmen na nakapatay kina AKO Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe at kaniyang police escort.

Itinaas ng mga kasamahan ni Batocabe sa Kamara at ng provincial government ng Albay ang halaga ng pabuya laban sa mga nasa likod ng pagpatay, sabi ngayong Linggo ni Albay Governor Al Francis Bichara.

"P30 million is at stake now. 'Yung nakakaalam kung sinong mastermind, sinong magbibigay ng impormasyon sa PNP, sigurado na 'yun," sabi ni Bichara sa isang press conference.

Namimigay ng mga regalo sa mga senior citizen at persons with disability si Batocabe noong Sabado sa bayan ng Daraga, Albay nang pagbabarilin sila ng kaniyang police escort ng mga hindi pa nakikilalang salarin.

Nasa huling termino na ng pagkakongresista si Batocabe, 52, at tatakbo sanang alkalde ng Daraga sa halalan sa susunod na taon.

Watch more on iWantTFC

Dahil dito, politika ang isa sa mga sinisilip na motibo sa likod ng pamamaslang, base sa paunang imbestigasyong isinagawa ng National Bureau of Investigation, sabi ngayong Linggo ng Department of Justice.

"Initial investigation by NBI agents suggests that the attack was likely politically motivated," sabi ni Justice Undersecretary Markk Perete sa isang pahayag.

Kamakailan ay inihayag din ni Batocabe ang kaniyang pagkabahala sa mga kalaban sa pagkaalkalde, na gumagamit daw ng mga armadong grupo para maimpluwensiyahan ang halalan, sabi ng regional police official na si Arnel Escobel sa news agency na Agence France-Presse.

Bukod kay Batocabe, napatay din ang escort na si Senior Police Officer 2 Orlando Diaz, na nagtamo ng walong tama ng bala. Limang senior citizen din ang nasugatan sa insidente.

12 anyos sugatan sa paputok, kinailangang putulan ng daliri

Isa sa mga unang dumalaw nitong Linggo sa burol ni Batocabe si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon kay Arroyo, tila nawalan na ng halaga ang buhay dahil sa politiko.

"I condemn what has happened. Life has become so cheap for politics. That should not be so. Nothing can justify that murder," sabi ni Arroyo habang nasa burol.

Nanawagan si Arroyo para sa mabilisang paglutas sa pamamaslang.

Bumuo na ng special task group ang Philippine National Police para tutukan ang kaso at sa agarang pagdakip sa mga nasa likod ng pagpatay.

Sinibak naman sa puwesto ang chief of police ng Daraga na si Superintendent Benito Dipad Jr. kasunod ng insidente.

Tiniyak naman ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr. na hindi magiging mitsa ang pagkamatay ni Batocabe para magdeklara ng martial law sa Albay o sa buong Bicol region.

"Isang insidente lang, although karumal-dumal at kasama nga dito iyong ating kaibigan na si Cong. Batocabe, hindi po ito sapat na maging basehan para po sa martial law sa probinsya ng Albay," sabi ni Andaya, na dumalo rin sa burol.

Isang abogado si Batocabe bago sumabak sa politika.

Naulila niya ang asawa at dalawang anak.

Kasabay ng pagpatay kay Batocabe noong Sabado ang ika-26 na anibersaryo nila ng kaniyang misis.

--Ulat ni Thea Omelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.