SOCO: 39 anyos na lalaki, pinatay sa araw ng Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2017 02:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naging araw ng pagluluksa para sa pamilya Quine ang araw ng Pasko na dapat sanang ipinagdriwang sa mga tahanan.

Ito ay matapos matagpuang patay ang 39 anyos na si Alfonso Quine na nakabalot sa fishnet at nakalubog sa tubig sa isang bakawan sa Brgy. Cabong, Buenavista, Quezon noong Disyembre 26, 2006.

“Nung makita nila na may lubid na nakalutang… kinalas 'yung pagkakatali sa ilalim nung mga barangay, police at inalsa na doon. ‘Yun na pala 'yung tao, napalutang na nila,” ayon kay Barangay Chairman Remigio Seva.

“Itsura [ni Alfonso], nakabaluktot na sa lambat. Baluktot na baluktot.”

Ayon sa kapatid ng lalaki na si Sofronio Quine, pasado alas-2 ng umaga noong Disyembre 25, 2006 nang makauwi si Alfonso sa kanilang tahanan. 

Pero nang humiga si Alfonso, agad aniya itong bumangon at dali-daling lumabas nang makakuha ng text message. 

“Sabi nung isang kapatid, ‘Sa’n ang punta mo?’” ani Sofronio.

“Di naman sumagot. Pero [nung umalis], ‘di na sinuot 'yung tsinelas. Basta nung mabasa 'yung text, tumindig na."

Hindi na rin muling nakabalik si Alfonso.

Sa imbestigasyon ng mga pulis, natukoy na namatay ang biktima dahil sa matinding bugbog sa katawan. 

“'Yung vital organs within the abdomen, particularly 'yung liver at saka 'yung kidneys niya ay na-lacerate,” ayon kay Dr. Antonio Vertido, medico-legal officer ng National Bureau of Investigation.

Kilalang mabait at mapagbigay ang lalaki sa kanilang lugar dahil lagi itong may dalang pamasko sa kaniyang pamilya at mga kaibigan tuwing umuuwi ito sa Quezon.

“Every time na may dala siyang pang-giveaway do’n sa mga kaibigan, sa mga kabarkada, sa amin sa mga kapatid,” kuwento ni Sofronio.

Bunga ng pagsisikap ni Alfonso sa Maynila ang mga inireregalo niya sa mga kapamilya at kaibigan.

“Nung maka-graduate ng high school ‘yun, nag-security [guard] siya. Tapos parang self-supporting 'yung ginawa niya [habang nag-aaral siya]. Nag-security [guard] muna siya ng ilang taon tapos nag-aaral sa gabi,” kuwento ni Sofronio.

"Proud na proud talaga ako doon dahil wala ka namang masasabi sa ugali [niya]."

Kaya naman matindi ang paghihinagpis ng mga kapamilya niya sa nangyari.

Sino nga ba ang salarin sa krimeng ito? Sundan ang kuwento sa “SOCO: Scene of the Crime Operatives” ngayong Sabado, 4 p.m. pagkatapos ng “Ipaglaban Mo!” sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.