QCPD nagbigay-saya, regalo sa mga bata, matatanda ngayong Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2017 08:33 PM

Nasa 600 na bata at matatanda ang pinasaya ng mga pulis ng Quezon City Police District (QCPD) at ilang public officials ng lungsod ngayong Sabado bilang bahagi ng kanilang "pamasko" sa kanila.

Pinangunahan mismo ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald Dela Rosa at QCPD Director Chief Supt. Guillermo Eleazar ang pamimigay ng mga regalo tulad ng laruan, mga candy at pera sa mga bata.

Bukod sa mga regalo, bumirit din sa kantahan at humataw sa sayawan ang ilang mga pulis, kasama si "Santa Claus," si "PO1 Bato" at iba pang mga mascot para magbigay-saya. 

Ayon kay Eleazar, ang mga dumalo sa gift-giving ay mga kaanak ng mga napatay, naaresto o mga surrenderees sa war on illegal drugs. 

Ito ay para raw mag-umpisa na ang "healing process," dahil panahon na para magkaisa ang lahat. 

Ayon naman kay Dela Rosa, nakahanda na ang puwersa ng PNP para magbigay-seguridad ngayong Pasko at Bagong Taon kung kailan maraming masasamang loob ang nananamantala. 

--Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.