Mga ‘fixer’ sa Araneta Center bus station, sakit sa ulo ng mga pasahero

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2017 08:15 PM

Biyernes pa nasa Araneta Center bus terminal ang 77 taong gulang na si Ruben Capinig ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin siya nakakatulog.

Bukod pa rito, hindi pa rin siya nakabibili ng ticket dahil maliban sa chance passenger na nga lang siya, may mga fixer pa umanong sumisingit sa kanila. 
    
Pauwi sana siya ng Masbate para mag-Pasko kasama ang mga apong naulila ng ama. 

"Ginugulo nila iyong pila. Paano iyong mga taong nandito, pagod na pagod na? Mga fixer talaga iyang mga iyon, halata naman sa mga ginagawa nila," hinaing ni Capinig.

"Labas-pasok lang sila sa booth tapos kukuha sila ng maraming tickets. Di naman pinapansin ng mga nasa ticket booth, OK lang sa kanila," giit naman ng pasaherong si May Ramos.

Sa kasalukuyan, marami ang nagpalipas ng magdamag sa bus station at nagbabakasakaling makasabit pa sa biyahe.

 Carmageddon sa EDSA

Marami naman ang pumunta sa mga terminal ilang oras pa bago ang biyahe para siguradong di na maipit sa traffic. 

Ito ay dahil mag aalas-5 pa lang ng umaga, mala-"carmageddon" na ang EDSA at bumper to bumper na ang mga sasakyan. 

"Ngayon pa lang talaga bumiyahe pa-probinsya iyong karamihan, kasi may trabaho [noong Biyernes]. Marami po siguro nag-isip na iwasan iyong traffic kagabi kaya ngayon naipon," paliwanag ni James Santos ng MMDA.

Inaasahang mas dadami pa ang biyahero na uuwi pagsapit ng Sabado ng gabi hanggang Linggo, bisperas ng Pasko.

--Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.