Loan sa Pag-IBIG, naantala ng higit 2 buwan

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2017 09:17 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Naantala ng mahigit dalawang buwan ang release ng pera sa loan ng isang miyembro ng Pag-IBIG Fund.

Kumpleto umano ang dokumentong isinumite ni Apeniano Alpes Jr. noong Oktubre 4 para sa multi-purpose loan sa Pag-IBIG.    

Pero nadismaya si Alpes nang wala pa rin lumabas na loan proceed kahit lumipas na ang Nobyembre at inabot ng Disyembre.

Ikinasasama rin ng loob niya na nauna pang lumabas ang loan ng iba pa niyang kasamahan. 

May pagkakagastusan din aniya sana siya ng pera.

Idinulog naman ng “Tapat Na Po” sa pamunuan ng Pag-IBIG ang problema at paliwanag nila, inayos ang record niya habang lumilipat sa bagong computerized system dahil nagkaroon si Alpes ng iba-ibang employer.

"Mayroon tayong mga miyembro na lumilipat-lipat ng employer and the most common complaint nila kapag sila'y nag-a-avail ng loan tumatagal because we have to consolidate the records," ayon kay Amado Isabelo Dizon III ng Pag-IBIG Fund.

Para rin anila sa kapakanan ng miyembro ang paglilipat nila sa intergrated information system.

"Ang kagandahan nito kapag na-centralize ang records, 'yung ating miyembro can already file anywhere," ani Dizon.

Umaasa ang Pag-IBIG na matatapos na ang system upgrade sa katapusan ng taon.

Samantala, na-release na naman ang pera ni Alpes noong Disyembre 15.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.