Lalaki pinagsasaksak sa videoke bar

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2017 03:48 PM

Isang 24-anyos na lalaki ang namatay matapos pagsasaksakin sa loob ng isang videoke bar sa Urdaneta City, Biyernes ng gabi.

Sa kuha ng CCTV mula sa Public Order and Safety Office ng Urdaneta City, makikita ang biktima na si Reynaldo Diaz Jr. na pasuray-suray sa gilid ng main road.

May pagkakataong nawalan ito ng balanse at natumba hanggang sa tuluyan itong bumagsak.

Inakala lamang ng iba na natumba ito dahil sa matinding kalasingan pero nang lapitan, nakitang tadtad na pala ng saksak ang biktima.

Dito na dumating ang pulisya at ambulansya para maitakbo pa sa ospital ang biktima pero binawian din ito ng buhay.

Sa imbestigasyon, lumalabas na galing sa isang videoke bar ang biktima at kakanta na raw sana ito nang batuhin siya ng bote. Pero iba ang tinamaan kaya nauwi sa rambol.

“According din po sa investigation, nakatakbo pa po kung saan inabutan siya nang mawalan ng malay sa gilid ng kalsada,” sabi ni Senior Insp. Madonna Cabiles.

Duda ang pulisya kung kursunada lamang ang nangyari sa biktima lalo't limang tama umano ng saksak ang natamo nito.

“Tinitingnan natin kung ano ang relasyon ng suspek sa biktima, kung may away sila noon,” dagdag ni Cabiles.

Inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.