Higit 100 nasawi sa hagupit ni ‘Vinta’: ulat

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2017 09:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kalbaryo ang hinaharap ng libu-libong taga-Mindanao dahil sa pananalasa ng bagyong "Vinta."

Nakaranas ng malakas na ulan ang ilang bahagi ng Mindanao matapos mag-landfall sa Cateel, Davao Oriental ang nasabing bagyo. 

Sa ulat ng Agence France Presse, umakyat na sa 133 ang bilang ng mga nasawi sa iba't ibang lugar na sinalanta ng bagyo. 

Miyerkoles nang pumasok sa bansa ang bagyong Vinta.

Sa Lanao del Norte, hindi inasahan ng lokal na pamahalaan ang pagbaha sa kanilang lugar kung saan higit 20 ang namatay habang higit 100 naman ang nawawala.

Higit 4,000 pamilya din ang inilikas dahil marami sa mga bahay ay nawasak matapos tamaan ng mga troso at malalaking bato.

"Yes, we were surprised. Kasi the rain is not that hard. I mean, the wind is not really that strong. Siguro naghangin lang ng less than 30 minutes," ani Gov. Imelda Dimaporo.

Idineklara na ang state of calamity sa probinsya.

Binaha rin ang ilang bahagi ng Marawi City at Lanao del Sur kung saan 17 ang namatay.

Sa Butuan City, higit 8,000 pamilya ang inilikas sa mga evacuation center.

Sa Datu Montawal, Maguindanao, halos 7,000 pamilya ang apektado ng baha.

Binaha rin sa Davao City, kung saan higit 6,000 pamilya ang nasalanta.

Sa Carmen, Davao del Norte, umabot na ang baha mula sa bayan ng Asuncion at Kapalong.

Sa Cagayan de Oro City, higit 3,000 pamilya ang lumikas dahil sa bagyo.

Kinansela naman ang tours sa Puerto Princesa City, Palawan.

Hindi na rin pinayagang maglayag ang mga bangka.

Inaasahang dadaan ng Palawan ang bagyong Vinta sa paglabas nito sa bansa kaya pinayuhan ang mga residente na maghanda.

    
--Ulat ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.