'Di na kami natutulog': 'Vinta', takot ang dala sa 'Urduja' survivors

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2017 12:09 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Gabi pa lang ng Huwebes, nagsimula nang lumikas ang mga lubhang naapektuhan ng bagyong "Urduja" kahit malayo ang sentro ng bagyong "Vinta" sa Biliran. 
    
Kung noo'y abala sa pagkukumpuni ng mga winasak ng bagyo ang mga residente, mistulang ghost town na ito ngayon nang malamang may panibagong bagyong pumasok sa bansa.
    
May makita mang tao, naghahakot na sila ng mga gamit o di kaya'y inaalis na ang mga bangka sa dagat at halatang tensiyonado sa pananalasa ng Vinta sa Mindanao. 

Nagpairal din ng forced evacuation sa Bayan ng Almeria dahil unang beses may naitalang mga casualty dahil sa landslide. 

Pero may ilang residente na kahit wasak na ang komunidad, nananatili pa rin para bantayan ang mga ari-arian. 
    
Hindi rin alintana ng mga lalaki ang walang tigil na ulan, makagawa lang ng daanan sa ibabaw ng guho.
    
Ito'y para huwag ma-isolate ang Brgy. Salangi kung saan nananatili pa rin ang mga biktima ng landslide. 
    
Si Noli Rodriguez, bukod sa labis na panghihinayang sa pagkamatay ng asawa, ikinakatakot na rin ang bawat araw na bubuhos ang ulan. 

"Walang pasabi 'yung konsehal dito eh. Hindi sana mangyayari ito...Hindi na kami natutulog. Bukas 'yung mga mata namin, nag-aabang kung ano ang mangyari baka bukas o baka mamaya anong mangyari. Baka masundan na naman," ani Rodriguez. 

Isa lang siya sa maraming residenteng posibleng mag-Pasko at Bagong Taon sa evacuation center. 
    
Bukod sa ulan at hangin, may naitala ring pagyanig sa Biliran nitong Huwebes.
    
Ayon sa opisyal ng Almeria, isa pa ito sa posibleng makapagdulot ng mas maraming landslide.

"Very saturated pa ang lupa natin especially the municpality of Almeria. Base sa Mines and Geosciences Bureau landslide map, 75% ng lupa natin dito ay landslide-prone... 'Yung dalawang earthquake, perfect recipe talaga for a landslide," ani Dexter Narrido ng DILG-Almeria.

Bukod pa rito, lima sa 13 barangay ay nag-positibo ang water system sa E. coli at coliform. 

Nawasak na pasyalan

Bukod sa mga impraestruktura at tahanang sinalanta ng bagyo sa Biliran, winasak din nito ang mga magagandang tanawin at tourist spots na kabuhayan ng mga residente doon. 

Isa na rito ang Tinago Falls na kumipot ang daloy ng tubig dahil sa nagbagsakang bato. Ang grandstand, bumaluktot ang mga haligi.

Ang tagapangalaga ng talon, nasasaktan tuwing nakikita niya ang nangyari sa Tinago.

"Mataas 'yan eh. Ngayon mababa na saka malalim din 'yan, ngayon, wala na...Nalulungkot din kami kasi maganda ito kung hindi nasira, maraming pumupunta dito na turista," ani Norie Maderazo.

Ilang kilometro naman ang layo mula sa talon, makikita ang ipinagmamalaking Mainit Spring.

Pero kahit saan tumingin, tubig na may halong putik ang madaratnan dito.

Ang tagapangalaga ng bukal, nalungkot sa kinahinatnan ng lugar.

"Kabuhayan namin araw-araw ito eh. Di namin alam na magkaganito. Ipinapanalangin namin sa amang Diyos na maibalik sa amin ang liguan," hinaing ni Quirino Rosete.
 
Makikita rin sa Biliran ang Iyusan Rice Terraces pero 'yun nga lang, nilamon ito ng bundok.
    
Ayon sa lokal na pamahalaan, bukod sa impraestruktura, maglalaan sila ng budget para maisaayos kaagad ang mga napinsalang tourist spots.

Lumubog man sa putik, umaasa pa rin ang mga Biliranon na balang araw, makikitang muli ng mundo ang ganda ng kanilang paraiso.

Kinulang na food packs

Samantala, kinulang na umano ang food packs na nakaimbak sa warehouse ng regional office ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Tacloban City dahil sa dami ng pamilyang apektado ng bagyo. 

Ayon sa hepe ng Disaster Response and Management Unit ng DSWD, umaabot na sa halos 300,000 pamilya sa Eastern Visayas ang inilikas, kung saan ilan sa kanila ay nananatili pa rin sa mga evacuation center.
 
Nag-request na ang ahensiya sa central office na magpadala ng karagdagang 200,000 foodpacks para sa mga biktima.

Apat na hub ang itinayo sa Leyte at Samar para mapadali ang distribusyon ng mga relief goods.

Hinikayat ng DSWD ang bawat lokal na pamahalaan na magdala ng saraling sasakyan para kargahan ng mga bigas at canned goods.

Ang local government unit na rin ang inatasan ng DSWD na mag-repack.

Watch more in iWant or TFC.tv

8 kilometrong pila sa pier

Balik-normal na ang biyahe ng barko mula sa Matnog Port sa Sorsogon papuntang Samar matapos ang ilang araw na pagkansela dahil sa 'Urduja'.

Pero sa labas ng pier, mahaba pa rin ang pila ng mga truck na biyaheng Visayas at Mindanao.

Halos walong kilometro na ang haba nito.

Pangamba ng ilang mga drayber at pahinante, baka abutin na sila ng Pasko sa pila. 

Sa ngayon, inuunang isakay sa barko ang mga pampasaherong bus, light vehicles, at mga sasakyang may kargang perishable goods.

Isa ang truck na minamaneho ni Joel Lachica sa mga nakatengga sa pila.

Motorsiklo ang karga nila na dadalhin sa Davao City.

Pang-anim na araw na nila ngayon sa pila.

"May binibigay silang number pero hindi naman nasusunod," hinaing ni Lachica.

Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), backlog ito ng limang araw na pagkansela ng biyahe dahil sa Urduja.

May siyam na barko at dalawang landing craft tank na bumibiyahe pero ayon sa PPA, nabawasan ng halos limang biyahe kada araw dahil malaki pa ang alon sa dagat.

Umaasa naman ang port officials na hindi na aabutin ng Pasko ang mahabang pila ng mga sasakyan at walang barko na magkakaaberya.

--Ulat nina Raphael Bosano, Kevin Manalo, at Eric Baldo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.