Daan-daang pamilya sa Davao City, lumikas

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2017 02:35 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isinagawa ang rescue operations sa Jade Valley Buhangin, Davao City. Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Lumikas ang daan-daang pamilya sa Davao City nitong Biyernes matapos humagupit ang malakas na ulang dulot ng bagyong Vinta.

Nagbabala ang local na pamahalaan pasado alas-4 ng hapon sa mga lugar na posibleng bahain matapos umapaw ang Tamugan River sa Marilog District kung saan 300 na pamilya ang inilikas.

Umapaw din ang Davao River pasado alas-5 ng hapon na nakaapekto sa mga residente ng Jade Valley Buhangin at apat pang barangay.

Samantala, inilikas ang 182 na pamilya sa Barangay Lasang matapos umapaw ang Lasang River.

Aabot din ng 580 na pamilya sa Barangay Mandug Buhangin ang nasa evacuation center matapos abutin ng tubig baha ang kanilang mga bahay.

Ayon sa Davao City Disaster Risk Reduction Management Council, malakas ang ulan sa Marilog Area dala ng bagyong Vinta.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.