Babae patay sa saksak ng tiyuhin; suspek 'nanlaban' umano sa pulis

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2017 05:08 PM | Updated as of Dec 23 2017 08:12 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Patay ang isang babae matapos pagsasaksakin umano ng sarili niyang tiyuhin sa Brgy. Bagbag 2, Rosario, Cavite madaling araw ng Sabado.
    
Nakahandusay sa talahiban ang bangkay ng 40-taong gulang na si Lisa Dimapilis na huling nakita na nakikipag-inuman sa dalawang kapitbahay.

Kuwento ng ina ng biktima, alas-2 ng madaling araw nang may marinig siyang gulo sa eskinita.

"Nagsisigaw ang mga kapitbahay namin diyan, hindi ko alam na sinaksak na pala siya," ani Violeta Magdaraog.

Ang suspek, sarili umanong tiyuhin ni Dimapilis na kinilalang si Romulo Magdaraog, 58 anyos.

Ayon sa pulis, lumalabas na hinabol ng saksak ng suspek ang biktima kaya umabot sila sa talahiban.

Parehong pedicab driver ang suspek at biktima ngunit walang malinaw na alitan.

Pinasok din ng suspek ang bahay ng dalawang kainuman ng biktima na natutulog na noon.

Pinagsasaksak din ang dalawa at kritikal ang kondisyon ngayon.

"Humihingi ng saklolo sa akin ang anak ko at may tama... Ako rin muntik na saksakin [ni Magdaraog]," ani Filemon Nocon, ama ng isa sa mga sugatang biktima. 

Aminado ang mga kaanak na mainitin ang ulo at laging problemado ang suspek. Pero palaisipan pa rin sa kanila kung ano ang totoong motibo sa malagim na insidente.

 'Nanlaban'

Alas-5 na ng umaga nang makaresponde ang mga pulis.

Inabutan nila ang suspek sa bahay mismo ng kaniyang kapatid na si Violeta, ina ng biktima.

"Sinabihan ko na siya na sumuko na, pero may nakaumang nang baril sa kaniya, nung pumutok na hinimatay na ako... masama ang loob ko," ani Violeta.

Dinala pa umano sa ospital ang suspek pero hindi na ito umabot pa ng buhay sa ospital.

Dati nang may arrest warrant ang suspek para sa kasong frustrated homicide sa General Santos City noong 2014.

Patuloy naman na iniimbestigahan ang ugat ng insidente.

--Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.