ALAMIN: Sitwasyon sa mga pantalan, bus terminal 2 araw bago mag-Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2017 07:28 PM

Dalawang araw bago ang Pasko, dagsa na ang mga pasahero sa Batangas port.

Manaka-naka man ang pag-ulan, hindi nito napigilan ang walang tigil na pagdating ng mga pasahero.

Kalmado ang dagat nitong Sabado kung kaya't walang suspensiyon ng biyahe sa port at walang stranded na mga mananakay.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), posibleng dahilan ng mababang bilang ng pasahero nitong nagdaang mga araw ay ang pagkakaroon pa ng pasok ng karamihan.

Inaasahan naman ng mga awtoridad na bago magtapos ang Sabado at maging sa Linggo, dodoble pa ang bilang ng mga pasahero na dadagsa.

Cebu

Sa Cebu naman, abot hanggang labas ng Pier 1 ang pila ng mga pasaherong bumibili ng ticket. 

Ang ilan, apat na araw nang stranded dahil sa bagyong "Vinta." 

Ipinagpapasalamat na lang nila na bumalik na ang mga biyahe ng barko para sila ay makauwi upang salubungin ang Pasko sa kani-kanilang mga tahanan.

Samantala, sa Cebu South Bus Terminal, inaasahan din ang pagdami ng mga tao simula Sabado ng gabi hanggang sa Linggo. 

Problema ng ibang pasahero sa terminal kung saan magpa-Pasko matapos ianunsiyo na kanselado pa rin ang mga biyahe papuntang Zamboanga bunsod ng bagyong Vinta.

Sta. Cruz, Maynila

Samantala, hindi naman gaanong dagsa ang mga pasahero sa Doroteo Jose bus terminal sa Sta. Cruz, Maynila.

Biyaheng Central at Northern Luzon ang mga bus dito na ruta ang NLEX, SCTEX, at TPLEX.

Di gaya sa mga probinsiya, kada oras ay may mga umaalis na bus sa terminal.

Maski walang ticket reservation, makasasakay pa rin ang mga biyahero.

Pinaalalahanan naman ng mga dispatcher ang mga sasakay ng bus na hangga't maaari ay limitahan ang mga bagahe para sa kapakanan ng ibang pasahero

-- Ulat nina Kevin Dinglasan, Leleth Ann Rumaguera, at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.