Pila-pilang trak istranded sa piyer ng Matnog

Jose Carretero, ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2016 06:22 PM

SORSOGON - Umabot na sa apat na kilometro ang pila ng mga trak na istranded sa daungan ng Matnog.

Hindi makatawid ang mga trak na ito papuntang Samar dahil may tatlong araw nang mataas ang alon sa dagat ng Sorsogon.

Naipon ang mga trak sa bayan lalo na at inuunang isakay sa barko ang mga bus at trak na may mga kargang produktong madaling mapanis o masira.

“Tuwing Pasko, istranded kami dito,” ani Richie Merin, isang biyaherong limang araw nang nakapila sa Matnog.

Dahil sa bagyong “Nina” ay nababahala na rin ang ilang pasahero kung makakaalis pa ba sila o hindi.

Reklamo pa ng ilang biyahero, may mga naniningil umano para daw sila ay mabigyan ng prayoridad at maisakay sa barko.

“May lumapit sa amin [na nagsabi], ‘mauuna kayo kung maglalagay.’ ‘Magkano?’ Sabi ba naman sa akin, P2,000,” ani Geraldine Batucan.

Ikinagulat naman ito ng pamahalaang lokal ng Matnog, na nangakong papaimbestigahan ang sinasabing paniningil.

“We are on a first-come, first-served basis, so walang dahilan para magbayad sila. Kahit magbayad sila, kung doon sa huli, hindi rin sila makakaalis,” sabi ni Dionebel Figueroa, municipal administrator ng Matnog.

Naghahanda na rin ang mga taga-Sorsogon sa posibleng epekto ng bagyong “Nina”.

Maging ang mga gamit sa munisipyo ng Barcelona ay tinakpan na ng mga trapal para hindi mabasa.

Sabado ng hapon magpapatupad ng forced evacuation sa mga residenteng nasa peligrosong lugar, lalo na ang mga nakatira sa dalampasigan, kaya’t sa evacuation center na sila magpa-Pasko.

“That’s why I am preparing relief goods, para meron naman mapagsaluhan even in the evacuation center,” said Barcelona, Sorsogon Mayor Manuel Fortes.