PatrolPH

'Isang alon, nawala lahat': Tulong, hiling ng nawalan ng bahay dahil sa daluyong sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2021 07:52 PM | Updated as of Dec 23 2021 02:39 PM

MAYNILA - Kumakatok sa puso ng publiko ang isang babae mula sa San Joaquin, Iloilo matapos tamaan ng daluyong bunsod ng bagyong Odette ang kanilang barangay.

“Yung mga bahay sa may gilid ng dagat, naubos po lahat, nasira dahil sa malalakas na alon," kuwento ni Mary Hope Regalado sa programang Lingkod Kapamilya sa TeleRadyo, Miyerkoles ng umaga, hinggil sa kanilang naranasan sa Barangay Balabago noong Sabado, ika-18 ng Disyembre.

"Pero mabuti na wala pong casualties po. Wala na pong bahay na nakatayo, lahat nadala na ng alon. First time na yung alon matataas, mataas pa sa bahay," dagdag niya.

"Lahat po talaga nasira. Devastated po talaga lahat.”

Unang nag-landfall ang Odette sa Siargao Island, Surigao del Norte, noong Huwebes, at nagtuloy-tuloy sa paggalaw papuntang Visayas hanggang sa Roxas, Palawan. Lumabas ang bagyo sa Philippine area of responsibility noong Sabado. 

Ayon kay Regalado, Biyernes pa lang ng gabi ay pinalikas na sila sa lugar. Pero bumalik sila umaga ng Sabado para tingnan at kumuha ng mga gamit sa kanilang bahay.

“Doon na namin nakita yung malalakas ang alon. Yung dagat po talaga, nagagalit talaga. Nung pumasok ako sa bahay namin, kukuha sana ako ng gamit namin, hinambalos talaga ng alon yung bahay namin. Tapos muntikan na akong matangay ng tubig dagat. Mabuti na lang po yung kapatid ko, nahila ako kaya naka-survive po ako,” kuwento niya.

Dagdag niya, “Sabi po n'ya sa akin, hayaan na mga gamit kasi mahalaga po yung buhay kaysa sa bahay. Umalis na lang po kami sa bahay. Tiningnan na lang namin kung paano kainin ng dagat yung bahay namin.”

Aniya, hindi lamang siya ang nakakaramdam ng trauma sa nangyari dahil buong barangay nila ay apektado rin.

“Lahat ng mga bahay dito sa tabing dagat, halos bagong gawa. Pinaghirapan nila, nawala lahat sa isang idlap. Sa isang alon lang, lahat nawala. Yung parang iisipin mo kung paano ka magsisimula, kung ano gagawin mo. Mas sobra pa ito sa COVID kasi sa COVID, pwede ka pang mag-social distancing lang, pero itong bagyo po, wala, ubos lahat,” sabi niya.

Masakit pa aniya sa kaniya dahil ama nila ang nagpundar at gumawa ng kanilang bahay.

“Yung bahay namin, gawa po ito ng papa ko. Noong nakaraang taon lang siya namatay. So parang masakit na yung iniwan niyang bahay na ipinundar, nawala po agad. Napakasakit para sa akin kasi yun ang huling alaala niya para sa amin, na pinaghirapan niyang gawin. Tapos, nawala lang ng isang idlap,” sabi ni Regalado.

Gumawa ng poster si Regalado na “PISO NIYO, BAHAY KO” para humingi ng tulong sa mga motoristang dumadaan sa kanilang barangay.

Nagpaabot din siya ng maagang pasasalamat sa mga taong tutulong para sa kanilang muling pagbangon.

“Maraming salamat po sa pagtulong sa amin. Hindi lang para sa aking pamilya at sa bahay namin, kung ‘di para sa buong barangay namin dahil nabigyan kami ng pansin at nalaman ng tao kung ano po yung sitwasyon ng aming munting barangay sa San Joaquin," sabi niya.

"Sana matulungan n'yo kami. Kahit anong tulong, napakalaki na po sa amin,” dagdag niya.

Para sa mga nais na magbigay ng tulong pinansiyal kay Regalado, ipadaan lamang ito sa kaniyang GCash account:

MARY HOPE REGALADO
0946 221 3883 

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.