MAYNILA — Iniutos na ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at mga electric cooperatives na bilisan ang pag-restore ng kuryente sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Odette.
Hindi rin umano dapat maging istrikto sa paniningil ng bill sa kuryente.
"Kasama doon sa idi-direct namin sa mga distribution utilities ang pag-relax sa kanilang collection policy ay siyempre 'yung hindi muna pagpapatupad ng agarang disconnection sa mga kababayan nating naapektuhan ng bagyo na hindi makakabayad on time," ani ERC commissioner Rexie Baldo-Digal.
Sa isyu ng petrolyo, tiniyak ng Pilipinas Shell na may sapat na suplay bagama't marami pa ring istasyon ang may pila.
Sa Cebu halimbawa, 8 a.m. hanggang 6 p.m. ang pila at hanggang 20 liters lang ang puwedeng bilhin.
Ang Petron naman, sinigurong may sapat na supply hindi lang para sa mga motorista kundi pati na rin sa mga ahensiya ng gobyerno na kritikal sa pagpapabalik ng kuryente at signal.
Samantala, naibalik na ng Globe ang signal sa Siargao, Palawan at Dinagat Islands pero hindi pa rin 100 percent restored ang lahat ng tinamaan ng bagyo.
Good news din galing sa Smart-PLDT subscribers dahil naibalik na nila ang signal sa Surigao del Norte at Misamis Oriental.
—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.