‘Temporary insanity, ‘di magic word’ sa korte: law expert

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2020 03:38 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Hindi dali-daling tatanggapin ng korte ang depensang temporary insanity nang walang basehan, ayon sa isang Constitutional law professor ng University of the Philippines hinggil sa kaso ng pulis na pumaslang sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac.

“'Temporary insanity', ‘di po 'yan magic word na banggitin mo na sa korte (ay) ok ka na,” pahayag ni Prof. John Molo sa panayam sa ABS-CBN TeleRadyo, Martes ng umaga.

Nitong Lunes, isinalarawan ni Pangulong Rodrigo Duterte na may sakit umano sa utak si Police Senior Master Sgt. Jonel Nuezca.

Si Nuezca ang walang habas na pumatay sa kapitbahay niyang si Sonia Gregorio at anak nitong si Frank Anthony sa gitna ng alitan noong Linggo ng hapon.

“Mahigpit po na depensa ‘yan. Kailangan mong patunayan ‘yan. Kailangan may record,” sabi ni Molo hinggil sa 'insanity'. 

Kung may rekord aniya, ang magiging tanong ngayon ay kung ilan sa pulis ang may problema sa pag-iisip.

“Ano ginagawa ninyo para ma-identify at to make sure na safe ang mamamayan sa mga taong may anger management issues?” sabi niya.

Nauna nang tiniyak ng palasyo na hindi makakawala sa batas si Nuezca.

Umani rin ng samu’t saring komento ang insidente.

“We don’t justify what is happening because you know, what the people need to hear right now from our leadership is a strong condemnation for what happened, (na ito) ay hindi po tama,” sabi ni Molo.

‘WE LET IT HAPPEN’

Nag-viral naman ang komentaryo ni Molo patungkol sa implikasyon ng naturang insidente sa lahat ng Pilipino.

“Ang aking isinulat ay, dini-describe na tayong lahat ay kasama sa problemang ito. Ang tanong din natin sa taumbayan, anong nangyari, ba’t pinili nating sumunod? Bakit tayo pumayag?” sabi niya.

Ang isinulat ni Molo na “How a cold-blooded police killing in Tarlac threatens us all,” ay komentaryo niya sa sitwasyong kinakaharap ng bansa. Ito ay nai-publish sa website ng Philippine Star.

“It’s the system of impunity that is happening. Why did it happen? It’s really because we let it happen,” sabi ni Molo.

Sa video na kuha ng isang kamag-anak ng pamilya Gregorio, makikita doon ang pagbaril ng pulis sa mag-inang walang kalaban-laban. Saksi naman dito ang anak ng pulis na isang menor de edad.

“Kung mapapanood mo yung video, grabe, it’s clinical. Sabi nga ni Sen. Angara, cold blooded,” ani Molo. Hindi aniya natinag ang pulis kahit alam niyang may nagvi-video sa kaniya.

Giit ni Molo na noong unti-unting hinayaan na mamatay ang mga adik at ‘di na kinailangang dalhin sa proseso, sa korte, at kasuhan, sinang-ayunan aniya ng taumbayan na ayos lang na hindi muna sumunod sa batas ang gobyerno.

“OK lang na hindi muna sumunod sa batas, kung feeling nila hindi kailangan. Nung natapos yung tutok sa mga adik, reporter na bayaran na-a-assassinate, duktor, estudyante,” sabi niya.

Ipinaalala niya na mahalaga ang karapatan at Konstitusyon. "Kapag nag-apply ang Konstitusyon sa pinakamasamang tao, nand'yan ang proteksiyon ng Konstitusyon para sa pinakamahirap at pinakawalang kapangyarihan,” paliwanag niya.

Ayon kay Molo, sa hanay lamang nila ay higit 50 nang abugado at huwes ang pinatay.

“Ang aming komentaryo dyan: Kung ang mga huwes mismo, na sila yung personalidad, embodiment ng batas, ganun na lang kadaling patayin, anong ibig sabihin nito sa mas mahirap o hindi makapangyarihan?” sabi niya.

Sa kaniyang komentaryo, sinabi ni Molo na kapag pinalakpakan ang simulang pagdami ng mga bangkay sa morgue, nagbigay-daan ito para sa paglikha ng isang halimaw na walang nirerespetong batas.

“Mas nakararaming pulis ang mababait. Pero 'pag ang mga katagang namamayani sa ating sistema ay 'Ok lang pumatay', 'Konting galaw lang hanapan mo, sige bariin mo na', tapos pumapalakpak tayo kasi adik 'yan, kasi corrupt naman na reporter yan, ok lang, ganun natin ini-encourage yung sistema na yun. Doon ko na-realize, 'Teka muna, kelan naging normal ito? Hindi naman dapat ganito',” sabi niya.

Tanging hiling ni Molo ngayong Pasko ay “ma-rediscover” ng mga Pilipino ang kultura nito sa pagiging mababait at mapag-alaga.

“Ang wish ko, sana, ma-rediscover ng mga Pilipino ang pagiging mababait, at mapag-alaga natin; hindi yung propensity natin to violence. We were never a violent people. Sana 'yun ang ma-discover natin ngayong Pasko,” sabi niya. 

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC