Presyo ng ilang bilihin sa Divisoria bagsak-presyo 3 araw bago Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2019 07:41 PM

MAYNILA - Bagsak-presyo na ngayon ang ilang bilihin sa Divisoria ilang araw bago mag-Pasko. 

Paliwanag ng ilang tindera, ito ay dahil hirap silang makabenta dahil marami na ang nanghuhuli sa bangketa. 

"Sobrang hirap na po kasi laging hinuhuli. Opo bagsak presyo na po para may panggastos tayo sa New Year saka Pasko," ayon sa tinderong si Kim Masugalao. 

Alinsunod sa utos ng lokal na pamahalaan ng Maynila, ipinagbabwal na ang pagtitinda sa kalsada, sa bangketa na lagpas sa yellow line, pati na rin ang pagkakalat ng mga basura. 

Dahil sa panghuhuli, kalat na ang mga nagbebenta sa iba't ibang lugar sa Divisoria imbis na kumpulan. 

Nakikiusap man ang mga nagtitinda, iginiit ng ilang nanghuhuli na sumusunod lang sila sa utos ng lokal na pamahalaan. 

PRESYUHAN

Nasa P80 hanggang P150 ang damit para sa mga bata. 

Nasa P100 lang ang sapatos na pambata, habang P150 ang para sa mga matatanda. 

Nasa P50 naman ang pinakamurang t-shirt na panregalo, habang P10 kada isa ang mga pouch na maaaring lagyan ng barya at kung ano pa. 

Kung nais pang makahabol, mayroong night market sa labas ng Tutuban Mall. -- Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.