Kaso ng sunog ngayong 2019, tumaas —BFP

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2019 06:36 PM

MAYNILA—Mas mataas na ang bilang ng insidente ng sunog ngayong taon kumpara noong 2018, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Ngayong 2019, nakapagtala na ang BFP ng 16, 531 sunog sa buong bansa 2 linggo bago matapos ang taon, mas mataas ito ng 308 sunog kumpara sa nakaraang taon.

Ilan sa mga kadalasang sanhi ng sunog ay depektibong electrical wiring ng mga bahay at mga napabayaang bukas na kalan sa pagluluto.

Ngayong Bagong Taon, mainam din na gumamit na lamang ng pito upang makalikha ng ingay imbis na mga paputok para makaiwas sa sakuna, ayon pa sa BFP.

"Sundin pa din [natin] ang mga designated areas sa bawat komunidad kung saan maaari lamang gumamit ng mga fireworks display para makaiwas tayo sa sunog," ani BFP Inspector Gabriel Solano.

Para makaiwas sa sunog, tiyakin na hindi sobra ang paggamit ng mga appliances at huwag iwang nakasaksak.

Bantayan din palagi ang mga niluluto at tiyakin na nakasara ang mga kalan ng maayos para walang tagas, ayon pa sa BFP.

- Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.