Angkas, LTFRB nagsagutan ukol sa ipatutupad na motor-taxi limit

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2019 07:37 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Kinuwestiyon ng Angkas ang naging pamantayan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na limitahan ang bilang ng motorcycle taxi units na itatalaga sa bawat app. 

Dahil kasi umano sa desisyon ng LTFRB, 17,000 sa 27,000 nilang biker ang mawawalan ng hanapbuhay. 

Depensa naman ng LTFRB, hindi mababawasan ang bilang ng motor taxis sa kalsada bagkus ay madaragdagan pa ito sa pagpasok ng 2 bagong players na Move It at JoyRide. 

Papayagan silang magpasada ng tig-10,000 units, kapareho ng Angkas. Para umano ito maiwasan ang monopoliya ng Angkas. 

Pero ayon kay Angkas chief transport advocate George Royeca, may korapsiyon sa naging desisyon ng ahensiya.

"Hindi ito monopoliya, we welcome competition. But at the expense of the riding public? Hindi po regulasyon ang ginagawa rito, corruption po ito," ani Royeca. 

Umaaray din ang ilang rider na dumalo sa kilos-protesta ng Angkas ngayong Linggo. 

"Malapit na mag-Pasko, at tsaka diyan ko lang din kinukuha pambuhay sa pamilya ko," ayon sa tsuper na si Albert Garcia. 

Kinuwestiyon din ni Ariel Inton, kinatawan ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, ang desisyon ng LTFRB. 

"Safety is the paramount reason for the pilot testing, not the competition. It will be after the legislation. Paano 'yung 17,000? Huhulihin nila na kolorum?" 

Tiniyak naman ng Angkas na susunod sila sa utos ng LTFRB na magsumite ng 10,000 pangalan pero ipaglalaban nilang manatili sa trabaho ang 17,000. -- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.