VIRAL: Lalaki ikinagulat na dating US president ang nagpaaral sa kaniya

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2018 09:09 PM | Updated as of Dec 22 2018 09:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ikinagulat ng isang Pinoy nang matuklasan na ang nagtustos sa kaniyang pag-aaral noong bata siya ay walang iba kung hindi si dating US President George H.W. Bush.

Sa loob ng isang dekada, palihim na pinadadalhan ng tulong ni Bush si Timothy Villalba Jr. sa pamamagitan ng Compassion International, isang Christian group.

Ayon kay Villalba, hindi niya alam na si Bush--na nagpakilala sa kaniya bilang George Walker--ang tumutustos sa kaniyang pag-aaral.

"Bata-bata pa ako noon, parang shocked ako, talaga ba? Parang ang hirap paniwalaan kasi [na] presidente 'yun," kuwento niya.

Nagtatrabaho ngayon bilang sekretarya sa Barangay Escopa IV sa Quezon City si Villalba, na ngayo'y 25 anyos, may asawa at 3 anyos na anak

Tanda pa rin ni Villalba ang minsanang regalo sa kaniya ni Bush na calculator at art set. Nagpasalamat siya sa tulong na ibinigay sa kaniya.

"In 10 years natulungan niya ako bilang isang bata. Sinuportahan niya ako sa hilig ko na mag-drawing. Sana may matulungan pa sila, hindi lang ako, although kahit hindi nila sabihin na sila 'yan," aniya.

Nanghihinayang si Villalba na hindi niya nakilala nang personal si Bush, na pumanaw lamang nitong Nobyembre 30. Pero tiniyak niyang ipapasa sa ibang kabataan ang tulong na minsang ipinagkaloob sa kaniya.

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.