PatrolPH

'Tulak' na dawit sa holdapan, carnapping sa Antipolo, patay sa engkuwentro

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2018 08:14 PM

Watch more on iWantTFC

Patay ang top 6 na most wanted na drug suspect sa Antipolo City na suma-sideline din daw bilang holdaper at carnapper sa naturang lugar.

Ayon sa Antipolo police, nakipagbarilan umano ang tulak na si Marcus Santos alyas "Macoy" sa mga pulis kaya napilitan silang gumanti ng putok.

Tuloy pa rin daw kasi ang pagbebenta ni Santos ng droga sa kanilang barangay, holiday man o hindi.

Nang matunton ng mga pulis, agad silang nagkasa ng buy-bust operation laban dito pero nabuko niya na pulis ang kaniyang katransaksiyon kaya nagpaputok ito ng baril.

"Bukod sa pagiging number 6 sa priority target natin ay very active [siya], hindi tumitigil sa pagbebenta and sa other activities like carnapping and robbery," ani Superintendent Villaflor Banawagan ng Antipolo police.

Panawagan naman ng mga awtoridad sa publiko, makipagtulungan para matunton ang iba pang most wanted sa lugar.

Sa Makati City naman, sa likod na ng rehas magpa-Pasko ang makailang ulit nang nahuli na holdaper na si alyas "Ram-Ram."

Sabado ng umaga, isang cellphone naman ang inagaw niya sa babae na papasok sa trabaho.
    
"Inakbayan at tinutukan siya (victim) sa bewang pero nakasigaw ang biktima," ani Inspector Arnel Perez ng Makati police.
    
Tiniyak naman ng Makati police na kahit Pasko o Bagong Taon, mananatili ang kanilang regular na pagpapatrolya para masugpo ang ano mang krimen.
    
—Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.