PatrolPH

SOCO: Buntis na waitress ginulpi, sinaksak ng 'nabasted' na kostumer

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2018 03:57 PM | Updated as of Dec 22 2018 05:13 PM

 


 

Nakaligtas ang 30 anyos na stay-in waitress na si Julie Ann Arcega mula sa pambubugbog, paninipa, at pananaksak ng kaibigang kostumer noong Setyembre 25.

Ayon sa biktima, nakilala raw niya ang suspek na si Jayson Bidaja sa pinapasukan niyang KTV bar sa San Rafael, Bulacan.

"Maaga po siya nagpupunta. Minsan gabi. Sa gabi, umiinom lang po siya. Sa umaga, inaaya niya kaming mag-stroll,” kuwento ni Arcega.

Nagbago raw ang pakikitungo ni Bidaja sa kaniya nang tanggihan niya ang panliligaw ng lalaki.

“Eh parang nabasted po siya. Lagi na siyang galit sa akin mula noon,” sabi ni Arcega.

Noong mangyari ang krimen, nagkaroon daw muna sila ng matinding pagtatalo.

“Talagang binubugbog na po ako. Kumbaga, nakaupo na ako, nakahiga na ako. Pinagsusuntok, pinagsisipa po ako. Parang hindi ko na kayang lumaban kasi lalaki po iyun pero lumalaban ako eh,” pahayag ng biktima.

Noon ay hindi pa niya alam na sinaksak na pala siya ng kaibigan.

“Hindi ko [naramdaman 'yung saksak]. Nakita ko na lang sa may liwanag, may dugo na po ako. Tapos, nakita ko 'yung bituka ko nakalabas,” dagdag niya.

Nang isinugod sa Baliuag District Center Hospital ang biktima, napag-alamang buntis si Arcega.

Nadakip naman agad ang suspek matapos ang insidente. Inamin ni Bidaja na nagawa niya ang krimen dahil sa matinding galit sa biktima.

“Allegedly, sabi ng suspek natin sa sobrang kalasingan at medyo hindi nagkaintindihan kaya niya nagawa iyon. Inamin niya naman na siya ang may gawa ng pananaksak,” ayon kay Supt. Victorino Valdez ng San Rafael police.

Sinampahan ng kasong frustrated murder with unintentional abortion si Bidaja. Pero dahil bailable ang kaso, nakapagpiyansa ito para sa pansamantalang kalayaan.

Ngayong dinidinig na ang kaso, hiling ni Arcega ang ganap na hustisy kahit pa nakaligtas siya at ang kaniyang ipinagbubunits.

“Sana mabulok siya sa kulungan. Pagbayaran niya 'yung ginawa niya sa akin,” banggit ng biktima.

Mapapanood ang buong kuwento sa “SOCO: Scene of the Crime Operatives” ngayong Sabado, Disyembre 22, 4:15 P.M. sa ABS-CBN.

Sundan ang “SOCO” sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.