PatrolPH

Kongresista patay sa pamamaril sa Albay

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2018 08:10 PM

Kongresista patay sa pamamaril sa Albay 1
Binawian ng buhay si Ako-Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe nang pagbabarilin habang nasa isang "gift giving activity" sa Daraga, Albay nitong Sabado. Retrato mula sa Facebook page ni Batocabe.

Patay ang isang kongresista matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Daraga, Albay nitong Sabado ng hapon.

Binawian ng buhay si Ako-Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe nang pagbabarilin habang nasa isang "gift giving activity" para sa mga senior citizen at persons with disabilities (PWD).

Si Batocabe ay nasa huling termino na bilang kongresista at kumakandidatong alkalde ng Daraga, Albay.

Ayon sa running mate ni Batocabe na si Joseph Espinas, hindi sana matutuloy si Batocabe sa gift-giving pero pumunta pa rin ito.

Dagdag ni Espinas na sa kalagitnaan ng kaniyang talumpati ay nakarinig sila ng putok ng baril at nakita na lamang na nakabulagta si Batocabe.

Dinala pa si Batocabe sa ospital ngunit hindi na nakaligtas.

Patay din sa pamamaril ang kaniyang security escort na si Senior Police Officer 1 Orlando Diaz. Samantala, anim ang naitalang sugatan dahil sa ligaw na bala.

Ayon naman sa isa pang Ako-Bicol party-list rep. Alfredo Garbin Jr., may banta na umanong natanggap si Batocabe pero hindi ito makapagbigay ng dagdag-detalye habang iniimbestigahan ang insidente.

Nagsilbing vice chairman ng House committee on Dangerous Drugs si Batocabe at kasapi ng mga committee on health, energy, tourism, at iba pa bago ang pamamaslang.

Samantala, iniutos na ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde ang paggawa ng Special Investigation Task Group para imbestigahan ang pamamaril kay Batocabe at sa kaniyang police aide.

KINONDENA

Kinondena naman ng ilang kongresista at kaalyado ni Batocabe ang pamamaslang dito.

Sa isang pahayag, nanawagan si House Speaker Gloria Macapagal Arroyo sa agarang pagtugis sa salarin.

"I call on our law enforcement agencies to conduct a speedy and thorough investigation to bring all those behind this dastardly act to justice," ani Arroyo.

Inalala naman ni House Majority Leader Rolando Andaya ang mga nagampanan ni Batocabe sa Kamara.

"The laws he had authored and the programs he had initiated will continue to make a difference in the lives of the people he had selflessly served long after he is gone," aniya.

Para kay Senador Sonny Angara, walang lugar ang karahasan sa isang demokratikong lipunan.

"I strongly urge our police authorities to run after the suspects and bring them to the bar of justice at the soonest possible time," aniya.

Nanawagan naman si Albay 1st District Rep. Edcel Lagman na tigilan na ang kultura ng karahasan.

"The culture of violence must be forthwith eliminated, instead of being perpetuated, condoned, and encouraged by those in power," aniya sa isang pahayag.

Sa isang pahayag, sinabi ng Malacañang na kinokondena nila ang pamamaril.

"We denounce the senseless killing of Ako Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe in Albay this afternoon," ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Dagdag niya, iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente at nangako ng mabilis na pagtunton ng mga salarin.

-- May ulat ni Thea Omelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.