Unang kaso ng sugatan dahil sa paputok, naitala na

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2017 11:19 PM

Nakabalot ang tatlong daliri ni alyas "Boy" matapos masabugan ng tanyag pero ilegal na paputok na 'piccolo' nitong Huwebes. 

Kuwento ng ina ni Boy, akala raw niya ay mag-aalmusal lang ang anak pero nagpapaputok na pala ito. 

"Daliri niya may hiwa po, pumutok daw po pagkaskas ng piccolo...[Pero] sana magtanda na yan," ayon kay Rowena, nanay ng biktima. 

Bina-validate na ng Department of Health (DOH) ang kaso ni Boy para maisama sa kanilang bilang ng mga fireworks-related injuries na nagsimula nitong Huwebes at magtatapos sa Enero 5, 2018. 

Magmumula sa 50 sentinel hospitals ng DOH ang mga ulat at pagsasamasamahin ng kanilang epidemiology bureau. 

Bago ang kaso ni Boy, sa tala ng departamento, nakapag-record sila ng isa pang kaso ng injury dahil pa rin sa piccolo. 

"Siya ay 11 year old na lalaki from Pasig, pero walang amputation naman," ani DOH Undersecretary Gerardo Bayugo.

Simula pa lang daw ang pagbibilang ng mga injuries kung saan ang peak ay sa mismong araw ng Pasko at Bagong Taon. 

Pero inaasahan na mas mababa ang mga kaso na maitatala ngayong taon sa tulong na rin ng Executive Order 28 na nagbabawal sa pagpapaputok sa mga residential areas. 

Nitong Disyembre 19, naglabas ng memorandum circular ang Department of Interior and Local Government (DILG) na nagbabawal sa mga sumusunod na paputok:

  • Piccolo
  • Super lolo
  • Whistle bomb
  • Goodbye earth
  • Atomic big triangulo
  • Judas belt
  • Watusi

May paalala rin ang DOH kapag nasugatan dahil sa paputok.

"Maghugas ng kamay o basta linisan, tapos balutin saka itakbo agad sa ospital...kapag nasugatan ng paputok, alam naman na dapat turukan ng anti-tetanus," ani Bayugo.

Kapag nakalunok ng pulbura o 'watusi', dapat pakainin ng 6 hanggang 12 egg white ang bata, 'wag pasusukahin, at itakbo agad sa ospital. 

--Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.