Tindera ng isda, nadukutan ng P30,000 mula sa apron

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2017 10:09 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Inireklamo ng ilang mga nagtitinda sa palengke ng Binondo, Maynila ang hindi umano pag-aksiyon ng mga pulis at barangay matapos makitang pakalat-kalat lang ang isang lalaki na nakuhanan ng CCTV noong Setyembre na nanalisi sa kasamahan nilang tindera.

Sa kuha ng CCTV noong Setyembre 29 sa Binondo, Maynila, makikitang inaalok ng mga sachet ng liquid soap ng lalaki ang tindera ng isda na si Isay Tiu.

Pero nang lumingon si Tiu matapos tawagin ng kapwa tindera, doon na umano siya sinalisihan ng nag-aalok na lalaki.

Dinukot ng lalaki ang pera mula sa bulsa ng apron ni Tiu saka ipinailalim ito sa iniaalok na sabon bago umalis tangay ang P30,000 na kinita ng tindera.

Agad ding nagpa-blotter si Tiu sa barangay at nagreklamo sa mga pulis noon hanggang sa muling nakita ang lalaki na kinilala sa alyas na "Kalbo" na pakalat-kalat lang at nakakapagtinda pa malapit lang sa pinangyarihan ng insidente.

“Sana aksiyunan ho ng mga pulis ‘yung si Kalbo na nagtitinda ng sabon. Nandiyan lang po sa Asuncion nagtitinda hanggang ngayon, paikot-ikot lang,” ayon sa tindera ring si Marilyn Rico.

“Kilala namin ‘yung mukha niya. Tinatawag lang siya ng 'Kalbo' pero ang totoong pangalan hindi namin alam,” ayon naman sa tinderong si Larry Bautista.

Pero buwelta ng barangay at ng mga pulis, dapat ay nagsampa ng kaso ang biktima at hindi lang blotter sa barangay.

Ayon din kay Chief Inspector Fernando Reyes ng Binondo PNP, dapat ay nagpursigi si Tiu sa pagsasampa ng kaso dahil hindi maaaring basta na lang hulihin ang suspek.

Nagkasundo naman ang biktima at mga tindero sa naturang palengke na makikipagtulungan sa pulis para matukoy ang suspek at tuluyan nilang masampahan ng kaso.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.