State of calamity idineklara sa bayan sa Palawan

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2017 02:09 PM

Rex Ruta, ABS-CBN News

ABORLAN, Palawan - Idineklara ang state of calamity sa bayang ito dahil sa pinsalang dulot ng bagyong Urduja.

Sa deklarasyong ito, inaasahan ng lokal na pamahalaang mapapabilis ang pagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga naapektuhan ng bagyo at agad mapondohan ang mga nasirang imprastraktura at pananim.

Ayon sa datos, umabot ng P3.5 milyon ang danyos sa agrikultura ng bayan matapos malubog sa baha ang ekta-ektaryang palayan nang umapaw ang ilog ng Iraan at Arborlan.

Nasa 316 na pamilya ang kinailangan ilikas dahil sa pagbaha. Bumalik na ang ilan sa kanila matapos humupa ang tubig, ngunit nanatili naman sa evacuation centers ang ilan dahil sa pangambang muling lumalim ang ilog lalo pa't may parating na bagyo.

Tatlong livestock din ang namatay, kabilang ang isang bakang tinamaan ng kidlat.

Tinatayang umabot naman sa P5.9-milyong halaga ng imprastraktura ang nasira ng bagyong Urduja.

Malaking troso naman ang inanod mula sa bundok na sumampa sa Tagpait Bridge kaya nagkaroon ito ng bahagyang sira.

Limang poste rin ng Palawang Electric Cooperative ang natumba at kinailangang ayusin para maibalik ang kuryente sa bayan.

Ayon sa mga residente, nakatanggap na sila ng relief goods, ngunit problema daw nila ang pagtigil muna ng kanilang pangkabuhayan dahil hindi pa makalaot.

Isang hanging bridge din ang naputol matapos masira ang pundasyon nito dahil sa lakas ng agos ng ilog kaya hirap ang mga nakatira sa kabilang bahagi ng ilog na makatawid.

Naghahanda naman na ang lokal na pamahalaan sa pagdating ng bagyong Vinta, na inaasahan nilang magdadala muli ng malakas na hangin at buhos ng ulan.

Inihahanda na rin umano nila ang mga first responder at ang evacuation plan sa bawat barangay para masigurong ligtas ang kanilang nasasakupan.