Schedule ng ceasefire sa mga rebelde, binago ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2017 01:19 AM

Nakagawian na ang pagdedeklara ng tigil putukan o ceasefire sa opensiba ng militar kontra rebelde sa panahon ng kapaskuhan.

Kaya naman si Pangulong Duterte, minabuti ring mag-anunsiyo nito kahit pa kaliwa't kanan ang banat niya sa mga rebeldeng komunista.

Para kay Satur Ocampo, na minsang tumayong punong negosyador para mga rebelde, indikasyon ito na di pa tuluyang sinasara ng pangulo ang pinto para sa usapang pangkapayapaan.

Unang inanunsiyo ni Duterte ang pansalamantalang tigil-putukan mula Disyembre 24 hanggang Enero 2, 2018.

Pero nitong Disyembre 21, ginawa na lang itong mula alas-6 ng gabi ng Disyembre 23 hanggang alas-11:59 ng gabi ng Disyembre 26.

Ceasefire naman muli mula alas-6 ng gabi ng Disyembre 30 
hanggang alas-11:59 ng gabi ng Enero 2, 2018.

Duda naman si Jose Maria Sison, founding chairman ng Communist Party of the Philippines (CPP), sa katapatan ng pangulo. Lalo't nitong Nobyembre lang, kinansela niya ang peace talks at idineklarang terorista ang CPP-NPA. 

Giit din ni Sison, dapat saklaw ng ceasefire ang pulisya, hindi lang ang militar.

Umaasa naman si Presidential Peace Adviser Jesus Dureza na susuklian ng mga rebelde ng sarili nilang ceasefire ang anunsiyo ng pangulo.

-- Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.