Pinoy na nangangamuhan sa ibang bansa, dumadami

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2017 09:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Lalo pang tumaas ang bilang ng mga Pinoy na umaalis para magtrabaho bilang household service workers sa ibang bansa pero kasabay nito ang pagdami rin ng mga illegal recruiter.
    
Sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), tumataas ang household service workers simula pa 2008 at noong 2016 naitala ang pinakamataas, na pumalo sa 275,073.

Ngayong taon, 124,970 na ang na-deploy mula Enero hanggang Hunyo, at nangungunang destinasyon pa rin ang Saudi Arabia at Kuwait.
 
Pero ayon sa isang migration expert, dumadami rin ngayon ang mga foreign-owned recruitment agency na ilegal na nagre-recruit sa Pilipinas dahil sa taas ng demand para sa mga household service workers.

"'Yung household service worker is so easy to deploy, most of them also are coming from Muslim country but the basic problem is poverty. Foreigners use Filipino dummies to control the agencies, in fact they're running it, it's against the law," ayon kay Emmanuel Geslani, migration expert. 

Uumpisahan na ng POEA ang imbestigasyon kung sino ang mga grupong nagpapagamit bilang dummy sa mga foreign recruitment agency.

Samantala, kausap na ngayon ng pamahalaan ang tatlong bansa na posibleng maging bagong destinasyon ng mga household service workers. 

Pero payo ng POEA, subukan din ng mga household service workers ang iba pang posisyon kung saan pasok din ang kanilang abilidad.

"Katulad ng factory workers, may mga factory workers naman na kahit high school graduates lang ay kinukuha nila and even kahit walang experience," ayon kay Jocelyn Sanchez, deputy administrator ng POEA.

Kumpara sa $400 o P20,000 na basic pay ng mga household service workers, P30,000 hanggang P90,000 ang suweldo kapag factory worker.

Ineengganyo rin ang paghahanap ng iba pang trabaho dahil vulnerable o madalas maabuso ang mga household service workers.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.