PDEA, 'mas malaki' na ang 2018 budget, pero 'kulang' pa rin

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2017 09:53 PM

Aabot sa P2.5 bilyon ang budget na inaprubahan para sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa 2018. 

Pero ayon kay PDEA chief Aaron Aquino, natupad man ang ilan sa kaniyang "wish list" para sa ahensiya, kukulangin pa rin ang pondo sa 2018 para sa pagtatayo ng mga karagdagang opisina at pagdagdag ng bagong agents. 

"Kung ako lang ang masusunod, I'm asking for P5 billion budget so we can purchase high-end equipment," ani Aquino.

Pero sa approved budget para sa 2018 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Martes, kalahati lang sa hinihingi sana ni Aquino ang napagbigyan.

Gayumpaman, di hamak na mas mabuti na raw ito kung ikukumpara sa 2016 budget na nasa P950 milyon lamang.

Budget ng PDEA simula 2016:

2016 - P957,102,000
2017 - P1,839,762,000
2018 - P2,500,000,000

Nasa P750 milyon rin ang nadagdag mula sa budget noong nakaraang taon.

"Big impact dito is the creation of the provincial offices namin...Intel equipment mas magiging effective [and] efficient ang performance namin [at] with 100 dogs I can most probably detail one K9 per courier," pagbabahagi ni Aquino.

Prayoridad din sa 2018 na ikalat sa mga key seaports at airports ang mas maraming mga tauhan ng PDEA.

"Somehow, mapipilayan ang drug personalities na gusto mag-smuggle ng drugs...parang nilagyan natin ng bakod ang buong Pilipinas para mahinto [ang pagpasok ng drugs]," ani Aquino. 

Dagok sa budget

'Yun nga lang, imbes sa makapag-recruit ng 1,000 drug enforcement officers (DEO) kada taon, 500 lamang ang kakasya sa budget at halos kalahati lang sa target na 81 provincial offices ang posibleng maitatayo.

"Meron pa kaming hinabol na P1.1 billion sana but it was disapproved," kuwento ni Aquino.

Nitong 2017, halos mahigit 50% ng kabuuang budget ang inilaan sa pagtatayo ng mga opisina, pagbili ng mga sasakyan at lab equipment, at training sa mga DEOs at K9 dogs.

Sa tala ng PDEA, nasa mahigit 80,000 operasyon ang naisagawa nila mula Hulyo 1, 2016 hanggang Disyembre 18, 2017.

Nangako naman si Aquino na tataasan ang mga pondo sa mga regional offices ngayong 2018 pero depende pa rin aniya sa performance.

Sa kasalukuyan, nasa P800,000 kada buwan ang budget na nakukuha ng PDEA-NCR at PDEA Special Enforcement Services Unit; tig- P550,000 naman sa PDEA Region 3 at 4, at P300,000 pababa naman para sa ibang rehiyon.

Giit ng PDEA, patuloy silang maninindigan para maharang ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.

--Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.