PANOORIN: Paglubog ng fastcraft sa Quezon, rescue ng mga pasahero

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2017 08:45 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Lima na ang kumpirmadong patay at 243 ang nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG) at volunteers sa lumubog na Mercraft 3 habang nasa kalagitnaan ng Dinahican, Quezon noong Huwebes.

Sa Port of Real nanggaling ang Mercraft 3 patungo sanang Polillo Island na abot dalawang oras ang biyahe.

Ayon sa Coast Guard, maganda naman ang panahon nang pumalaot ang nasabing fastcraft mula sa Port of Real pero kalagitnaan ng biyahe patungong Polillo Island ay bigla na lang aniyang sumama ang panahon. 

Hindi naman itinanggi ng station commander ng Coast Guard sa Northern Quezon na pinayagan nilang pumalaot ang Mercraft 3 pero itinanggi niyang "overloaded" ito.

Nasa 251 ang sakay pero 286 ang capacity ng sasakyan, giit ni Lt. Commander Victorino Acosta.

Nakipag-ugnayan na umano sa mga awtoridad ang mga may-ari ng fastcraft.

Video ng paglubog

Sa video na kuha ni Mee-Jhay Ranza, makikita ang unti-unting paglubog ng Mercraft 3 sa kabila ng malalakas na alon.
    
Tanaw rin ang ilang mga pasahero na lulan ng fastcraft.

Nakuhanan naman ni Alwin Azul ang aktuwal na pag-rescue sa mga pasahero ng lumubog na Mercraft 3 at ang pagsakay sa kanila sa ilang bangka.

Kuwento ni Moriel Alcaide, alas-11 ng umaga noong Huwebes nang kabahan siya dahil sa malakas na hambalos ng alon.

Nasa likurang bahagi ng Mercraft 3 sina Alcaide at anak na si Prince nang mangyari ang insidente.

Sa katunayan, masakit pa raw ang mga binti niya sa kakalangoy mailigtas lang ang buhay nilang mag-ina.

"Sa kaniya ko isinuot ang vest, makaligtas lang siya," ani Alcaide.

Si Judith Sialmo naman, galing pang Maynila kasama ang asawa at anak para sana mag-Pasko sa Polillo Island.
    
Pero hanggang ngayon, wala pa ring balita tungkol sa kaniyang mister na isa sa apat na nawawala.

"Nabagok ang ulo niya, nakita ko [siya] nakatihaya," ani Sialmo.

Kuwento pa ni Sialmo, puno raw ang bangka ng tao at mabibigat na kargamento.

Ayon sa Palasyo, ikinalulungkot nila ang pangyayari at umaandar na ang imbestigasyon sa insidente. 

"[W]e call on our transport officials to exercise due diligence in the performance of their duties especially with the expected huge influx of travelers to the provinces this holiday season," ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

--Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.