Pag-ulit ng halalan para sa San Juan mayor, nakaamba

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2017 12:28 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Gustong matunton ngayon ng ilang nananawagan para sa recall election sa San Juan si Mayor Guia Gomez.

Naglabas na kasi ng resolusyon ang Comelec en banc na kinikilalang "sufficient" o nakumpleto ang lahat ng requirements para sa isang recall election sa petisyong inihain ng supporters ni dating Vice Mayor Francis Zamora laban kay Gomez.

Ang kailangan na lang, maberipika na may 15,000 registered voters na pumirma sa petisyon para magtakda ang Comelec ng petsa ng panibagong halalan. Ayon sa petitioners, 30,000 pirma ang kanilang nakalap.

"Hindi natin puwedeng balewalain ang pirma ng 30,000 na tao na sumuporta for this recall election," ani Sophia Gil, isa sa petitioners ng recall election.

Disyembre 14 pa inilabas ang notice pero hanggang ngayon, hindi pa mabigyan ng kopya si Gomez dahil wala umano siya sa opisina.

"Ano'ng ikinakatakot nila kung talagang nanalo sila noong last election?" tanong ni Gil. 

Sa isang pahayag, sinabi ni Gomez na nakahanda siyang harapin ang recall election, kung magkakaroon man, sa susunod na taon.

Saad ng pahayag ni Gomez: "With regards, to this so-called 'recall election', let me put it clearly that I am not afraid to face and defeat my former vice mayor once again, if this will really take place next year."

Kinumpirma ni Gomez na di pa niya natatanggap ang kopya ng resolusyon pero hindi siya ang dapat sisihin.

Saad ng pahayag ni Gomez: "But for the record, I have not received any COMELEC resolution on the sufficiency of their petition. On why it is taking that long, why blame it on me? Why not ask his 'legal friends' who are providing him with unofficial and false information?"

Buwelta ng anak ni Gomez na si Sen. JV Ejercito, walang basehan para sa recall election.

"Kung mayroon mang alingasaw, dapat mayroon matinding eskandalo," ani Ejercito.

Inakusahan ni Ejercito ang mga Zamora, partikular na si Francis Zamora, ng pambu-bully at pamumulitika. 

Dumepensa naman dito si Zamora.

"I am just a private citizen. I am not even an elected official anymore. How can I bully a sitting mayor whose son is a senator whose father is a former president of the Philippines?" sabi ni Zamora. 

Giit pa ni Zamora, gusto lang manatili sa puwesto ng mga Ejercito-Estrada na 48 taon nang namumuno sa San Juan.

"Ayaw nilang bumitaw sapagkat ito ang kaharian nila. Nandito ang negosyo nila," alegasyon ni Zamora.

"I'm worried for my mother, she's 75. Mayroon nang karamdaman, she cannot be subject to emotional or psychological stress," ani Ejercito.

Dating magkaalyado ang mga Zamora at Ejercito-Estrada pero nagkalamat ang kanilang relasyon nang magtapatan sila noong Halalan 2016.

-- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.