Mga residente sa Cateel, nagsilikas dahil sa bagyong 'Vinta'

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2017 12:53 AM

Nagsiksikan ang isang pamilya, makalikas lamang sa kanilang lugar sa Cateel, Davao Oriental bago humagupit ang bagong "Vinta."

Nagsilikas ang mga residente ng Cateel, Davao Oriental bilang paghahanda sa pananalanta ng bagyong "Vinta."

Nagsiksikan ang mga bata at matatanda na animo'y mga sardinas sa loob ng tricycle na basang basa ng ulan.

Ang iba naman, binaybay ang madilim na kalsada at hindi alintana ang lakas ng ulan makaalis lang sa kanilang lugar na malapit sa ilog.

Si Mercy delos Santos at anak nito, nakapaa na lamang na lumikas.

“Siniguro na namin ma'am na lumikas lalo na malapit kami sa ilog, mahirap na,” ani Delos Santos.

Karga naman ng mag-asawang Eliseo Espiritu ang kanilang mga anak. Tumataas na raw ang tubig sa ilog kaya minabuti na nilang lumikas.

Sa Purok Upper Riverside, Barangay San Vicente naman, ang siyam na buwang buntis na si Justine Ruiz ay nag-impake na ng kanilang mga gamit. 

“Nagligpit na kami ng mga gamit maam kasi pareho nito kabuwanan ko pa mabuti na itong makabakwit na tayo agad,” ayon kay Justine Ruiz.

Ang pamilya naman ni Erlinda Ruiz, nagdesisyon pumunta na sa evacuation area.

“Nagsiguro kami ma'am, lilikas kami kasi ilalagay namin sa ayos ang mga bata lalo na ayaw na naming maulit pa yong Bagyong Pablo noon,” sabi ni Erlinda Ruiz.

Ang mga bakwit ay temporaryong nagpasilong sa Cateel Central Elementary School.

Samantala ang iba naman ay nanuluyan sa kanilang mga kamag-anak sa Poblacion, Cateel.

Nangangamba ang karamihan ng mga bakwit lalo na’t apat na araw na lang ay Pasko na.

Patuloy namang nakaantabay ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council kasama ang kasundaluhan at kapulisan para sa rescue operations at monitoring sa lebel ng tubig sa Aragon Dam.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.