Mga Pinoy abala na sa bakasyon, shopping, biyahe para sa Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2017 09:38 PM

Dama na ang weekend Christmas rush dahil bukod sa nakabakasyon na ang ilan para magdiwang ng Pasko, puno na rin ng last-minute shoppers ang Divisoria, at dagsa na ang mga pasahero sa airport at mga terminal ng bus. 

Divisoria, puno ng last-minute shoppers

Watch more in iWant or TFC.tv

Siksikan na hindi lamang ang mga tao sa Divisoria kundi maging ang mga sasakyan nitong Biyernes, ilang araw bago ang Pasko. 

Ayon sa Philippine National Police (PNP), umabot na ng isang milyon ang crowd estimate nila sa Divisoria ngayong Biyernes.

Malaki ang itinaas nito kumpara sa 15,000 crowd estimate sa ordinaryong araw. 

Kuwento ng ilang mamimili, marami na ang mabibili sa maliit na halaga kaya hindi na alintana ang siksikan at traffic. 

Siniguro naman ng PNP na nagdagdag sila ng puwersa para matugunan ang dami ng taong dadagsa sa Divisoria. 

Wala pa rin anilang naitatalang insidente ng snatching at pickpocketing.

Dahil maaari pang tumaas ang crowd estimate hanggang Disyembre 25, pinayuhan ng pulisya ang mga mamimili na maging maaga at mag-ingat.

Ilagay anila ang mga bag sa harapan ng katawan, huwag magdala ng mamahaling bagay, at huwag magdala ng bata upang hindi mawala. 

Mga pasahero, maagang pumunta sa airport

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, dagsa na rin sa airport ang mga magbabakasyon at uuwi sa kani-kanilang probinsiya para mag-Pasko. 

Sunod-sunod ang dating ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport at tiniyak ng marami sa kanila na maagang makarating ng airport sa gitna ng inaasahang matinding traffic at holiday rush. 

Ilang flights naman ng Cebu Pacific at Philippine Airlines ang nakansela dahil sa tropical storm ‘Vinta’.

Abiso ng mga airline, tumawag sa kanilang opisina para sa rebooking.

Biyahe ng ilang bus, fully booked na

Watch more in iWant or TFC.tv

Wala na halos maibentang ticket sa Araneta Center Bus Station dahil fully booked na at kung mayroon man, prayoridad ang mga nawalan ng biyahe dahil sa bagyo.

Dahil dito, sa terminal na magpapalipas ng gabi ang ilang pasahero. 
    
Nakaalis na sa bansa ang bagyong ‘Urduja’ pero hindi pa nakaalis ang mga papauwi sana ngayong Pasko.

Ayon sa terminal manager, simula ngayon at mas lalo na sa Sabado ay inaasahan na tataas pa ang bilang ng mga pasahero sa Araneta Center Bus Station at sa Araneta Center Bus Port ng 6,700, na mas mataas ng 10 porsiyento nitong Huwebes.

“Ine-expect namin na medyo magdadagdag pa ng pasahero considering today is a Friday so last day of work so baka maraming maghabol later this afternoon,” ayon kay Ramon Legazpi, manager ng Araneta Center Bus Station. 

Pero hindi na rin pinayagang makabiyahe pa ang ibang mga bus na patungong Visayas dahil sa bagyong ‘Vinta’.

Lagay ng trapiko sa NLEX, SLEX

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, imbes na sa southbound ng South Luzon Expressway (SLEX) o papunta ng lalawigan, sa northbound o mga papasok ng Maynila nagkakaroon ng buildup sa traffic.

Nag-umpisa nang bumagal ang galaw ng trapiko sa northbound ng Alabang Viaduct hanggang Skyway ngayong Biyernes ng umaga pero lumuwag din naman kinagabihan. 

Humahaba na rin ang pila ng mga sasakyan galing sa Lucena, Batangas at Sta. Rosa, at may build up na sa northbound ng Ayala Toll Plaza.

Maluwag naman ang southbound ng Ayala Toll Plaza, Alabang, at Calamba Exit pero nakaantabay pa rin ang mga ambulant tellers sa Calamba Toll Plaza.
    
May mga naka-standby ding motor vehicle safety inspectors. 

Sa North Luzon Expressway (NLEX) naman, light traffic ang northbound ng Balintawak Cloverleaf hanggang Sta. Ines pero may pila na ng mga sasakyan sa Balintawak Toll Plaza.

Kapag nakalagpas naman dito ay maluwag na ulit ang trapiko.

Light to moderate din ang San Simon hanggang Balintawak Cloverleaf.

Nagkakaroon naman ng volume papalapit sa San Fernando Exit. Gayundin sa southbound ng Bocaue Exit kaya dinagdagan na ang mga lanes dito.

Nakahanda naman ang pamunuan ng NLEX na magdagdag ng toll collection points kung sakaling dumami ang mga sasakyan.

Paalala sa mga motorista, siguraduhing nasa tamang kondisyon ang sasakyan, pati ang sarili.

Sa mga mangangailangan ng tulong, may mga assistance centers sa mga gasoline stations at puwede ring tumawag sa hotline number ng NLEX na 3-5000.

-- Ulat nina Jasmin Romero, Jacque Manabat, April Rafales, at Willard Cheng, ABS-CBN News